Hindi na po-problemahin ng San Miguel Beer kung magpapalit o hindi ng import ang TNT KaTropa.

Injured pa rin si Joshua Smith, kaya nakabitin kung magpaparada na ng iba ang KaTropa sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup bukas sa Smart Araneta Coliseum. Abante ang Beermen sa best-of-seven series 2-1.

“Whatever happens, we have to prepare dahil (even) before the start of the series alam naman natin na anytime puwede silang magpalit,” pahayag ni SMB coach Leo Austria. “It’s up to them.”

Kahit si June Mar Fajardo na pangunahing armas ng Beermen para bumantay sa import, hindi na iniisip ang next move ng katapat.

“Gagawin lang namin ang game plan namin,” aniya.

Baka nga maging dagdag-motibasyon pa sa Beermen ang palit-import move ng TNT. Sa 109-97 victory ng SMB noong Linggo sa Big Dome din, nakitang nakikipag-asaran sina Mike Myers at Michael Craig sa SMB fans at nakipag-trash talk pa kay Beermen guard Chris Ross sa first half.

Si Mike Myers ang naka-standby na pamalit kay Smith, si Craig ang sinasabing ipaparada ng KaTropa sa season-ending Governors Cup.

At sa halftime habang papunta sa kani-kanilang dugout ang teams, isa sa dalawang Americans umano ang nagtulak ng iron railing na humaharang sa fans at sa daanan ng players. Tinamaan nga raw si SMB governor Robert Non.

“Mabuti na lang nakatagilid ako. Malakas kasi ang pagkakatulak dun sa bakal,” wika ni Non.

Itinanggi nina Myers at Craig ang pangyayari, pero sinabi ni PBA Commissioner Chito Narvasa na mag-iimbestiga pa rin.