Bahay gumuho; dalagita patay, 3 pa nadaganan

Isang dalagita ang namatay habang sugatan ang dalawang bata at isang senior citizen nang gumuho ang kanilang bahay sa tabing ilog sa Barangay Obrero Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Pawang isinugod sa kalapit na ospital ang mga biktima na hindi pa pinapangalanan, na pawang natabunan ng kanilang bumigay na bahay sa ilog, subalit isa sa kanila ang nasawi dahil sa tinamong grabeng pinsala sa katawan.

Batay sa sketchy report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-2:00 ng hapon (May 25) nang maganap ang aksidente sa tabing ilog sa Rolling Road, Brgy. Obrero sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Jopet Abando, Deputy Ex-o ng Brgy. Obrero, kapitbahay ng biktima, bago ang insidente ay nakarinig siya ng tila sumabog na transformer at nang kaniyang alamin ay nakita na ang gumuhong bahay at bumagsak sa ilog.

Nabatid na nasa loob ng gumuhong bahay ang tatlong apo at kanilang lola.
“Sa tingin ko po mahina na ang pundasyon. Nabali po ‘yung pinaka-biga niya tsaka ‘yung poste. Sementado po ‘yung poste nya pero ang mga sahig ay kahoy,” ayon sa kapitbahay ng biktima.

Agad namang nagpalabas ng statement ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, at sinabing kabilang ang pamilya sa mga dapat ire-relocate sa ilalim ng programa ng National Housing Authority, pero natigil ang koordinasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

Nagpaabot ng pakikiramay ang LGU sa pamilya ng biktima at nangakong magbibigay ng tulong kasama na ang burial at hospitalization assistance. (Dolly B. Cabreza)