Nasawi ang isang 3-taon gulang na lalaki habang dalawa pa niyang kaanak ang malubha, nang aksidenteng nalaglag at gumulong sa kanilang tinitirhan ang malaking tipak ng bato o boulder sa Brgy. San Jose Patag, Sta. Maria, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Carl Omar Fiel, Sta. Maria police chief, ang nasawing si Leonard Dorimon Jr., 3-taon gulang. Inoobserbahan naman sa pagamutan sina Teresita Auditor, 60-anyos at Andrea Auditor, 8, pawang residente sa lugar.
Base report, pasado alas-tres nang hapon noong Biyernes nang maganap ang insidente.

Nasa loob ng bahay sa dating quarry site sakop ng Brgy. San Jose Patag, Sta. Maria ang mga biktima nang bigla na lamang bumagsak ang higanteng bato sa tirahan ng mga biktima at nagulungan ang mga ito.

Agad namang rumesponde ang mga rescuer mula sa Sta. Maria police, Bureau of Fire Protections, Sta. Maria at Bulacan Rescue Team at sinagip sina Teresita at Andrea na patuloy pa rin ngayong inoobserbahan sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital-Sta. Maria.

Bandang alas-4:14 naman kahapon ng madaling-araw nang makuha ang wala nang buhay na biktimang si Dorimon matapos itong maipit mula sa bumagsak na bato.