Hindi na nakalabas sa nasusunog nilang bahay hanggang sa bawian ng buhay ang magkapatid na paslit sa Caloocan City nitong Linggo ng madaling-araw.
Dead on-the-spot ang magkapatid na Marianne, 10, at Julian Nardeja, 8, mga residente sa No. 532 Tupda Village, Brgy. 8, Caloocan City.
Sunog na sunog ang kanilang mga labi nang matagpuan ng mga bumbero.
Sugatan din ang dalawang kapatid ng mga nasawi na sina Rodolfo, 5, at Kian, 10, na ayon sa mga manggagamot ay halos 90% ang pagkakasunog.
Nagkaroon din ng minor injury sina Fulgencio Rodriguez, 46, at FO3 Ryan Coincol, 31, matapos magtamo ng mga sugat sa katawan habang inaapula ang apoy.
Sabi ni Ricardo Manio Jr., kapitbahay ng mga biktima, bandang alas-tres ng madaling-araw nang masunog ang inuupahang two-storey residential structure ng pamilya Nardeja.
Agad nagsisigaw si Manio kaya nagising ang mga natutulog na residente at pati na ang iba pang miyembro ng pamilya Nardeja.
Dahil may kalumaan na ang bahay at gawa sa mga materyal na madaling masunog, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa ikalawang palapag.
Sa paunang imbestigasyon ni SFO3 Alfredo Santos, wala umanong kuryente ang bahay ng mga biktima at kandila lang ang gamit nito.
Posibleng umanong nakatulugan ang nakasinding kandila sa ibabaw ng mesa sa ground floor hanggang sa magliyab ito.
Mahimbing umano sa pagkakatulog ang ina ng magkakapatid kaya hindi agad nito namalayan na nasusunog na ang kanilang bahay.
Sa laki ng apoy hindi na nailigtas sina Julian at Mariane na natutulog sa kanilang kuwarto.
Samantala, umabot sa P150,000 halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy na tumagal ng halos isang oras bago tuluyang naapula. (Orlan Linde)