Sinalakay kahapon ng mga pulis ang tahanan ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo at inaresto ito dahil sa kasong possession of illegal firearms.
Dakong alas-2:30 ng hapon nang dumating sa compound ng pamilya Baldo sa Lakandula Drive, Brgy. Tagas, Daraga ang raiding team bitbit ang search warrant na inilabas ni Executive Judge Elmer Lanuzo ng Legazpi City Regional Trial Court (RTC).
Hinalughog ng mga pulis ang bahay ni Baldo na sinaksihan mismo ng alkalde at ng kanyang pamilya gayundin nina Brgy. Tagas Chairman Warren Bahillo at Kagawad Zenaida Lovino.
Nakuha ng mga pulis sa bahay ni Baldo ang dalawang kalibre .45 baril, isang magazine para sa Uzi machine pistol, bala ng grenade launcher, at mga bala para sa kalibre .45 at M16 rifle.
Bukod dito, narekober din ang isang Isuzu Alterra na subject din ng search warrant.
Dinala si Baldo sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang isailalim sa tamang disposisyon.
Ayon kay Senior Supt. Bernard Banac, ang bagong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang pagsalakay sa bahay ni Baldo ay bahagi ng pagkilos ng mga awtoridad upang makabuo ng solidong ebidensiya para maisumite sa prosekusyon upang mapatunayan ang pagiging mastermind ng alkalde sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 22, 2018.
Nauna rito ay sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder si Baldo kaugnay ng pagpatay kay Batocabe kung saan nadamay din ang police escort nito at walong iba pa ang nasugatan sa pamamaril.
Nasa kustodiya na rin ng PNP ang anim na suspek sa krimen.