Bahay ng isang pamilya niratrat, 2 menor de edad, patay

EDISON REYES

Maliwanag aniya ang kanilang gasera na naka­sabit sa loob ng kanyang dampa, bukod sa inalis ng mga salarin ang tabing na sako sa dingding na kawa­yan kaya’t sa mga siwang niya nakita at nakilala ang mga salarin.

Idinugtong pa ni Norberto sa pagsalang niya sa witness stand ng hukuman malinaw sa kanyang pana­naw ang mga salarin dahil mata­gal niyang pinagmasdan ang kanilang mga anyo bukod pa sa inatasan siya ng mga ito na lumabas ng bahay.

Inulit ni Norberto sa korte ang isiniwalat niya sa kanyang testimon­ya sa pulisya na nagmakaawa pa siya sa mga salarin dahil bukod sa ma­rami pa siyang mga anak na pawang mga menor-de-edad ay matanda na siya at wala siyang nagagawang kasalanan sa tatlo.

Gayunman, hindi aniya pinakinggan ng mga salarin ang kanyang pagmamakaawa at sa halip at sinimulan ng mga salarin na magpaputok ng kani-kanilang mga hawak na ba­ril kaya’t sa pagnanais na protektahan ang mga anak ay dinapaan niya ang mga ito upang magamit bilang panangga sa bala ang kanyang katawan.

Inamin din ni Norberto na nagtanim ng galit sa kanya ang bayaw matapos niyang sampahan ng kaso ang dalaw nitong nakababatang kapatid na inakusahan niya ng pagmomolestiya sa isa sa mga babae niyang anak.

Iniharap din ng tagausig si Dr. Lourdes Tagui­nod na sumuri at nagprisinta ng Medico-Legal Certificate sa korte at nagkumpirma na bala ng hindi niya tukoy na kalibre ng baril ang nakapatay sa magkapatid na Mary Grace at Divina na nagmula sa labas ng bahay ng mga biktima.

Nang iharap naman si Jugueta sa witness stand, mariin niyang itinanggi ang akusasyon at iginiit na wala siyang kinalaman sa nangyaring pamamaril sa bahay nina Norberto na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa niyang anak.

Ayon kay Jugueta, imposible ang ibinibintang sa kanya dahil nang panahong mangyari ang sinasa­bing pamamaril, nasa loob siya ng tinitirhang bahay na pag-aari ni Isidro San Miguel at kasalukuyang abala sa panonood ng telebisyon. Dito aniya siya naninirahan sa loob ng mahabang panahon kaya’t kakilala niya ang sinasabing mga kasamahan niya sa paggawa ng krimen.

Bukod kina Gilbert Estores at Roger San Miguel, isa pang testigo na nagpakilalang si Ruben Alegre ang iprinisinta sa kor­te ng depensa upang magpatunay na wala ang pangunahing akusado sa lugar nang mangyari ang krimen.

Gayunman, nang tanungin ng tagausig ang mga testigo ni Jugueta kung gaano kalayo ang bahay na pag-aari ni Isidro San Miguel na tinitirhan ni Jugueta, inamin ng tatlo na mula rito hanggang sa bahay ng pamilya Divina ay may layo lamang na limang minuto kung lalakarin.

Bunga ng mahinang depensa na iprinisinta sa mababang hukuman ng kampo ni Jugueta, naglabas ng hatol si Judge Maria Chona Pulgar Navarro ng Gumaca, Quezon RTC Branch 61 na nagpapatunay na walang pag-aalinlangang nagkasala sa karumadumal na kasong Double Murder batay sa Criminal Case No. 7698-G si Jugueta at hinatulan siya ng parusang dalawang bilang na Reclusion Pertptua o pagkakabilanggo ng hindi hihigit sa 40-taon.