Bahay ng isang pamilya niratrat, 2 menor de edad, patay

EDISON REYES

Hindi naman nasiyahan ang kampo ni Jugueta sa naging pananaw at pagsusuri ng mga mahistrado ng CA sa usapin, lalo na ang pagkatig ng mga ito sa naunang desisyon ng mababang hukuman kaya’t iniakyat nila sa Kataas-taasang Hukuman ang apela.

Lalo pang tumibay ang pag-asa ni Jugueta na mabaligtad at baka sakaling pumabor sa kanyang panig ang usapin makaraang maiakyat sa En Banc ang kanyang apela na nangangahulugan na diringgin ito ng lahat ng miyembro ng Korte Suprema.

Noong Hulyo 30, 2012, naglabas ng reso­lusyon ang mga mahistrado ng Korte Suprema na nag-aatas sa kampo ni Jugueta at maging sa tagausig na naging abogado ng pamilya Divina na magsumite ng kani-kanilang maikling karagdagang ebidensiya na magsisilbing buod sa kabuuan ng usapin.

Kapwa tumanggi naman ang magkabilang kampo na magsumiteng muli ng ma­ikling buod sa usapin sa paniwalang lahat ng mga argumento, ebidensiya at testigo ay naiprisinta na nila sa mababang hukuman at sa appellate court kaya’t naniniwala sila na sapat na ito upang isa-isang himayin ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang nilalaman ng kani-kanilang argumento.

Pangunahing pagtutuunan ng pansin ng mga mahistrado ang apela ni Jugueta kaugnay sa aniya ay hindi magkakatugma-tugmang paha­yag ni Norberto sa kanyang testimonya, pati na ang positibong pagtuturo sa baril ng pa­ngunahing akusado na siyang nakapatay sa mga biktima.