Bahay nilamon ng apoy sa naiwang kandila

Isang bahay ang nilamon ng apoy matapos maiwan ang nakasinding kandila sa loob ng isang bahay sa Indang, Cavite.

Nasugatan nang tangkang apulahin ang apoy ng biktimang si Mario Tibayan, nasa wastong gulang, taga-Brgy Kayquit 2, Indang, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Jimver Zorenne Dimapilis, ng Indang Municpal Police Station, nagsimula ang sunog sa bahay ng biktima dakong ala-1:55 kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Dimapilis, nagising ang biktima dahil sa tawag ng kalikasan kaya nagtungo ito sa kubeta at iniwang nakasindi ang kandila.

Pagbalik ay nakita na lamang nitong nagliliyab na ang kabahayan.

Tinangka umano ng biktima na apulahin at ilabas ang ilang gamit sa bahay subalit mabilis ang pagliyab at tuluyang natupok ang kabahayan dahil gawa ito sa light materials.

Nabatid na mag-isang nakatira sa bahay ang biktima.

Wala namang ibang bahay na nadamay na idineklarang fire under kontrol dakong alas-3:00 kahapon ng madaling araw. (Gene Adsuara)