Maaaring ipatawag ng Kamara ang negos­yanteng si Lucio Co dahil sa insidente ng pagpapakulong sa dalawang empleyado na nahuling nang-umit ng pagkain sa Puregold supermarket dahil sa gutom.

Bunsod ito ng inihaing House Resolution No. 1692 ni House Minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez.

Nais ni Suarez na paimbestigahan ang ‘po­verty implications’ ng pag-aresto at pagpapakulong sa dalawang emple­yado na nagnakaw ng pagkain sa supermarket na pag-aari ni Co dahil sa gutom.

Pinagbasehan ng re­solusyon ang lumabas sa pahayagang Abante Tonite noong Pebrero 12 na may headline na: “Puregold ni Lucio Co pinakulong ang nagutom na empleyado”.

“According to print and radio news reports, an employee of Puregold Supermarket was recently arrested for allegedly stealing and eating cupcakes and sandwiches, which are merchandises of the said supermarket, during lunchtime due to hunger. The goods were said to cost P80,” ayon sa resolusyon.

“In December 2017, an employee of another supermarket was also arrested for allegedly stealing a can of corned beef worth P31.50 out of hunger. The said employee was said to only have less than P20 left when he reported for work, and the said amount was not even enough for his fare home,” paliwanag pa sa resolusyon ni Suarez.

Nabatid na parehong inireklamo at kinasuhan ng qualified theft ang dalawang empleyado at nakulong ng ilang araw.

“The unfortunate plight of the two employees highlights the persistent problem of poverty in the country,” ayon pa sa mambabatas.

Nakilala ang isa sa nakulong dahil sa pagkain ng cupcake at sandwich na si Juaquin Edilberto, 31-anyos, naninirahan sa No. 11503 Phase 6, Camarin, Caloocan City. Nagsilbing merchandiser si Edilberto sa Puregold branch sa Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City.

Nakalabas siya ng kulungan noong Pebrero 22, 2018 nang makaipon ng P6,000 piyansa ang kanyang kamag-anak. Nakabinbin ang kaso nito sa Metropolitan Trial Court Branch 81 kung saan sa Abril 13, 2018 itinakda ang kanyang hearing.

Hindi ito ang unang pagkakataon na iimbes­tigahan ang negosyo ni Lucio Co dahil noong administrasyong Estrada ay sinilip din ng Kamara ang mga pinaghihinalaang smuggler ng manok at iba pang produkto­ sa bansa kung saan kabilang ang Puregold sa mga inusisa.