Kasama pa rin si Labor Secretary Silvestre Bello III sa listahan ng aplikante sa puwesto ng Ombudsman, pero lumii­t na ang tsansa nitong mapili sa puwesto dahil sa kinakaharap na kaso sa nasabing tanggapan.
Ito ang inamin ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice at ex-officio member ng Judicial and Bar Council (JBC).

Sinabi ni Umali na ang nakabinbing kaso ay puwedeng makaapekto sa sino mang aplikante.

“Sec. Bello still in the race, but with less priorit­y if reports about his pending complaints are true,” paliwanag ni Umali sa isang panayam kahapon kasunod ng mga ulat na puwedeng madiskuwalipika si Bello­ dahil sa mga nakabinbing reklamo laban dito.

“The chances of applicants are affected by the appreciation of the JBC members on these issues. We have first, second and third prio­rity list,” ani Umali.

Nauna rito ay kinumpirma ng Office of the Ombudsman na may dalawang kasong naka­binbin sa kanilang tanggapan si Bello. Ayon sa Ombudsman-Public Information and Media Relations Bureau, ang isang kaso ni Bello ay kriminal, habang ang isa ay administra­tibo na kapwa isinampa noong 2017, ito ay may case number OMB-C-C-17-0341 at OMB-C-A-17-0295.
Tumanggi naman ang Ombudsman na magbigay ng detaly­e ukol sa sino ang nagsampa ng kaso laban kay Bello sa katwirang kasalukuyan itong nasa preliminary investigation at admi­nistrative adjudication at anumang kaso ay maaari lamang ibigay sa parties sa kaso.

Sa ilalim kasi ng Rule 4 Section 5 ng Judicial and Bar Council, ang isang nominado ay diskuwalipikado na ma-nominate sa anumang judicial post o Ombudsman at Deputy Ombudsman kung mayroon itong kasong nakabinbin sa korte o nahatulan sa isang kaso na ang parusa ay higit sa P10,000.

Sa ngayon ay 10 ang naghahangad na hu­ma­lili sa paretirong si Ombudsman Conchita Carpio-Morales, maliban kay Bello ay kasama din sina Atty. Edna Herrera-­Batacan, Supreme­ Court Associate Justice Sa­muel Martires, Sandiganba­yan­ Justice Efren dela Cruz, Special Prosecutor­ Edilbert­o Sandoval, Judge Carlos Espero II, at mga abogadong sina Rey Nathaniel Ifurung, Rainier Madrid, Felito Ramirez, at Rex Rico.