Para siguradong makakarating sa dapat na pagdalhan, magsisilbing security escort ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahatid sa storage warehouse ng Department of Health (DOH) ng mga medical supply shipment na ilalabas mula sa Bureau of Customs (BOC).

“All medical supply shipments will be escorted by agents of NBI until it arrived at the designated warehouse to ensure no untoward incident takes place,” ayon kay NBI Director Eric Distor.

Sabi ni Distor, hot cargo ang mga medical supply kung kaya’t nais nilang siguraduhin na hindi ito mapagkakakitaan ngayong nahaharap sa krisis ang bansa.

Aniyam nangako naman ang BOC na bibigyan sila ng mga kinakailangang impormasyon hinggil sa mga “problematic shipments” para maimbestigahan.

Isinagawa ang inter-agency coordination ng NBI at BOC dahil na rin sa dumaraming insidente ng mga taong nagsasamantala sa COVID-19 crisis.

Tiniyak naman ni Distor na patuloy ang mga isinasagawa nilang operasyon laban sa mga hoarder at overpricing at nakikipagtulungan ang ahensya sa Department of Trade and Industry (DTI).

Batay sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal As One Act, may katumbas na parusang pagkabilanggo ng dalawang buwan o P1 milyong multa ang mga taong mahuhuli na sangkot sa hoarding, profiteering , pagmamanipula ng presyo, cartel o monopolyo. (Nancy Carvajal)