Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-donate na lamang sa lalawigan ng Pangasinan ang mga bakal na bahagi ng Estrella-Pantaleon Bridge na isasailalim sa rehabilitasyon upang magamit muli ito at makabuo ng isang panibagong tulay.

Napagkasunduan ito sa nangyaring pagpupulong nina Executive Secretary Salvador Medialdea, mga opisyal ng DPWH, MMDA at ng nasabing lalawigan.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, makatutulong ang hakbang na ito para sa pagpapabawas ng gastusin sa pamahalaan. Imbes umano na bumili muli ng mga materyal para sa pagpapagawa ng isang tulay ay gagamitin na lamang ang maayos pa umanong bakal mula sa ire-rehab na tulay.

Ang ido-donate umanong bakal ay magsisilbing frame structure sa planong Santiago Bridge na magkokonekta sa pitong barangay ng Bolinao.