Bakit ‘di subukan?

Bago magreklamo, bakit hindi muna subukan? At bago magkomento, bakit hindi alamin kung ano ang tunay na dahilan?

Iyan ang numero unong hadlang sa buhay ng bawat tao — walang inatupag kundi magreklamo at magkomento, katulad ng usapin sa karagdagang taon sa elementarya at hayskul gayong hindi pa nasusubukan kung ano ang magandang idudulot sa kabuuan nito.

Paghahanda sa hamon ng makabagong mundo ang bagong senior high school program ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. Ang bagong K-12 curriculum ang magbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga batang Pilipino anumang larangan ang piliin na naaayon sa kanilang hilig at kakayahan.

Maaaring iba ang pagtingin ng mga kritiko sa programa ni dating Department of Education (DepEd) Secretary Armin Luistro at marahil nabubulagan lamang sa tunay na hangarin ng gobyerno kung kaya’t walang humpay ang komento, pero pansinin ang mga repormang ipinatupad ng administrasyon ni PNoy, halos lahat ng mga nagreklamo’y napahiya sa dulo.

Ang pagreporma sa sistema ng edukasyon, ito’y matagal nang pinag-aralan at ipinanukala noon pang dekada 20’s subalit walang sinumang Pangulo ang nagpatupad nito, hanggang naupo si PNoy — namumukod tanging lider na nanindigan sa kahalagahan ng edukasyon.

Sa ilalim ng K-12 program, magiging kapantay ng mga estudyanteng Pinoy ang mga kabataan sa buong mundo dahil kasing-haba ang bilang ng kanilang pinag-aralan o taong ipamamalagi sa elementarya at hayskul, as in magkapareho ang matutunan at ituturo sa basic education.

Mas magiging handa ang mga mag-aaral o estu­dyante at may kakayahang makipagtagisan ng husay at dunong sa piniling kurso, maging sa nakahiligan nitong angking-kakayahan sakaling hindi pumasok ng kolehiyo.

Hindi maitatangging napakahalaga kay PNoy ng edukasyon, patunay ang malaking budget ng DepEd sa nagdaang 6-taon. Sa panahon ni Sec. Luistro, nakapagtala ng P410.4 bilyong alokasyon ngayong 2016 ang departamento, malayo sa inilaang P161.4 bilyon noong 2010 ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa unang taon ng implementasyon ng K-12 program o Senior High School, partikular sa school year 2016-2017, inaasahang maraming kakaharaping hamon ang mga estudyante, sampu ng mga guro at opisyal ng DepEd subalit hindi pwedeng idaan sa reklamo ang lahat.

Sa halip magpakalat ng disinformation at walang patumanggang reklamo sa social media, pinakamagandang solusyon ang makiisa at tulungan ang pamahalaan – ito’y magsisimula sa mismong mga magulang ng mga bata. Sino bang magulang ang gugustuhing ‘Row 4’ na malapit sa basurahan ang kanilang anak mapa-recitation o exam?

Hindi ba’t gusto palagi nina Tatay at Nanay na outstanding — hindi dahil pinatayo sa labas ng class room ang kanilang anak kundi lumaking matalino at mahusay para merong magandang hinaharap sa buhay? Kung ganoon — bakit ipagkakait ang tamang-kaalaman kahit pa humaba ang pamamalagi sa eskuwelahan?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)