Bakit ‘di ginagalaw ang calamity fund?

Napakalaki pa pala ng pondo ng calamity fund na hindi nagamit noong 2016, base sa pagtataya ng Kongreso, aabot pa ito ng P25 billion na carry-over sa 2017 national budget.

Mantakin mo, ang ­laki ng pondong ‘yan ­pero bakit hindi ginamit sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Lawin sa Cagayan at bagyong ­Nina sa Bicol na labis na nasalanta?

Kaya inilaan ang pondong ‘yan para maayudahan ang mga biktima ng kalamidad pero mistulang hindi ginamit sa dapat paggamitan ­kaya ang mga biktima ng bagyong Lawin… nganga sa tulong ng national go­vernment.

Kung itinulong lang sana ang pondong ‘yan sa mga biktima ng bagyo, eh, hindi nagutom ng ilang linggo ang mga nasalanta ng bagyo. Buti na lang maraming biktima ang sadyang hindi umasa sa gobyerno.

Dumating ang bag­yong Nina noong Pasko sa Bicol region at tulad ng mga karanasan ng biktima ng Lawin sa Cagayan, ang bagal kumilos ng gobyerno kaya magdadala­wang linggo ang lumipas ay marami pa rin sa mga ­Bicolano ang hindi nakakatanggap ng tulong sa ­national government.

Nangyari ang bagyo noong Disyembre 25, at umiiral pa ang 2016 national budget na kinapapalooban ng natitirang P25 billion calamity fund, bakit kineri-over sa 2017? Sana ginamit muna ‘yun para ayudahan ang mga Bicolano.

Hindi na ako nagtataka sa reklamo sa ­Bicol ­region na mabagal duma­ting ang tulong ng gobyerno dahil ­naranasan namin ‘yan sa Cagayan na kung hindi pa nagtulu­ngan ang mga mamamayan ­mismo para mabigyan ng ­kahit konting tulong ang mga mahihirap na pinagkaitan ng natio­nal government, eh wala… hindi mabububungan ang kanilang silungan.

Ngayong 2017, ang calamity fund ay aabot na raw sa P40 billion dahil ang hindi nagamit na P25 billion na pondo noong nakaraang taon eh idinagdag sa P15 billion.

Huwag naman sanang magkaroon pa ng mala­lakas na bagyo pero dapat gamitin ang pondong ito para tulungan ang mga biktima na maitayo ang kanilang silungan, maibalik ang kanilang hanapbuhay at mapabilis na maibalik ang kuryente na ­kailangang-kailangan pagkatapos ng unos at maitayo muli ang mga imprastraktura na nasira.

***

Magpipitong buwan na ang Duterte administration at magpipitong buwan na rin ang giyera laban sa iligal na droga at sa panahong ito, mahi­git 6,000 na ang napapatay kung saan 4,000 daw ay pinatay ng mga vigilantes.

Lagpas na rin daw sa isang milyong addict at pushers ang sumuko sa loob ng halos pitong buwan pero ang tanong, ilan sa mga sumukong ito ang napatay ng vigilantes at napatay ng mga pulis dahil nanlaban gamit ang caliber .28 na baril.

‘Yung mga sumuko, may mga naririnig ­ta­yong binigyan ng trabaho at nakapagbagong buhay na pero iilan lang sila. Kaya ang tanong, anong ginagawa ng gobyerno sa isang milyong sumuko?

Ilan ang dinala sa rehabilitation centers para magamot sila? Meron na ba at ang hindi ma-rehab dahil kulang ang pasilidad, anong gagawin sa kanila? Papaano sila tutulungan?

Maglalabas din ba ng datos ang Pambansang Pulisya kung ilan sa mga napatay ng vigilantes at pulis ang mahirap at mayaman, para malaman kung talagang patas ang batas? (dpa_btaguinod@yahoo.com)