Bakit espisipikong 3 rehiyon sa MO 32?

Nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng Memorandum Order (MO) 32 kung saan inaatasan nito ang pagdaragdag ng puwersa ng militar at pulisya sa espesipikong mga lalawigan ng tatlong rehiyon: Bicol, Samar at Negros.
Dagdag kamay na bakal daw ito kontra lawless violence.
Isa si Bayan Muna chairman Neri Colmenares sa mga unang pumalag. Hakbang kontra lawless violence? Makaraan ang dalawa’t kalahating taon ng halos araw-araw na bulagtaan sa kalye saka raw ito naisip ni Pangulong Digong, punto ni Colmenares.
Nakakaduda raw ang tiyempo ng order kasi ilang buwan na lang ay eleksyon na.
Nakakaduda rin daw, sabi ni Colmenares na mga probinsya sa opposition bailiwick region ang espesipikong pinuntirya ng MO 32.
Mahirap daw mapaniwalaan na walang konek sa halalan ang aksyon, reaksyon ng Bayan Muna leader.
May pangamba naman ang ilang grupo na mukhang nagpapraktis ang gobyerno para sa mas malawak na pagkokontrol sa demokrasya gamit ang kinatatakutang Martial Law.
Ikinakawing din sa tila sabayang galaw para sa ipinopormang batas-militar ang pag-amiyenda sa Anti-Wiretapping Law.
Habang hinihigpitan kasi ang mga sibilyan laban sa wiretapping, pinapalawak naman ng amiyenda ang kapangyarihan ng mga law enforcer para makapag-wiretap. Exempted na nga ang mga awtoridad sa batas ay pina­lawak pa ang puwede nilang maging basehan upang i-wiretap ang komunikasyon ng mga pinaghihinalaang indibidwal at grupo.
Binubuhay din ng Pangulo ang ROTC na tinitingnan ng mga kritiko na militarisasyon daw ng mga kabataang sibilyan. Isang elemento rin daw ng Martial Law.
May basehan man o wala ang pangamba ukol sa Martial Law, sadyang kuwestyunable pa rin kung bakit tinarget ng MO 32 ang mga balwarte ng oposisyon.