Handa ang pamahalaang-lungsod ng Maynila sakaling magdesisyon nang talaga ang national government na maglagay ng ‘bike lanes’ sa lungsod. Walang kuwestyon.
Gayunman, kung ibibigay sa mga pamahalaang-lokal ang pagdedesisyon, pagpasensiyahan na subalit hindi maluwag sa aking dibdib na ito ay payagan.
Mas mamatamisin ko pang makita na nakapila an gating mga mamamayan na pumipila kaysa naman habambuhay na baldado o wala nang buhay dahil lamang sa pinayagan ko silang maglakbay sa Maynila nang naka-bisikleta sa kabila nang alam ko ang mga panganib na kanilang kakaharapin.
Hayaan nyong maging bargas ako sa isyung ito. Hindi tayo handa sa hakbanging ito. Mismong ang mga bikers, motorista, truck drivers at maging ang publiko sa pangkalahatan, ay hindi rin handa at kakailanganin ang isang matindihang orientasyon upang lubusang maunawaan ng mga ito ang naghihintay sa kanila.
Bawat araw, may 4,000 trucks ang bumibiyahe sa mga lungsod ng Maynila. At pag sinabi kong trak, hindi ito trak-trakan lamang. Mga higanteng 40-footer trucks ang aking tinutukoy.
Isipin ko pa lamang na sumasabay ang mga bisikleta sa mga trak na ito at araw-araw itong magaganap ay kinikilabutan na ako.
Handa ba ang ating mga bike riders na isugal ang kanilang buhay at kaligtasan sa pamamagitan ng paghalubilo sa mga trak sa lansangan bukod pa sa iba’t-ibang uri ng mga sasakyan? Lahat ba ng bikers ay nalalaman ang disiplinang kailangan sa paggamit ng bisikleta? Alam din ba ng mga motorista ang uri ng respeto na dapat ibigay sa mga bicycle riders?
Ilan lamang ang mga ito sa mga katanungang umuukilkil sa aking utak kung kaya’t aaminin ko na talagang bantulot ako sa pagpayag sa pagkakaroon ng bike lanes.
Linawin ko lang. Hindi ako kontra sa ideya subalit ako ay naniniwala na kailangan munang magkaroon ng isang masusi at maingat na pag-aaral dahil sa simpleng dahilan na ayokong kahit isang mamamayan ng lungsod ay madisgrasya o maaksidente o maputulan ng anumang bahagi ng katawan, dahil lamang ang kanilang pamahalaang-lungsod ay nagdesisyon nang walang sapat na pag-aaral o kaya ay hindi muna nagtakda ng mga kinakailangang hakbangin.
Alam ko na tuwing tayo ay lalabas ng tahanan upang mag-hanapbuhay, may mga taong umaasa na tayo ay uuwi nang buo at buhay, na may mga pinakakain tayo at kailangan nating makapaglagay ng pagkain sa hapag-kainan. Kaya gusto ko na lahat ng mamamayan ng aking mahal na lungsod ay ligtas sa lahat ng oras.
Bagamat masakit sa akin, hayaan ninyong balikan ko ang isang napakalungkot na insidenteng naganap sa Maynila nitong mga nakalipas na buwan, sa kalagitnaan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Isang doktora na aktibong tumutulong sa lungsod sa pakikibaka nito sa COVID-19 ang galing sa duty at papauwi na sana nang siya ay mabundol ng isang rumaragasag trak. Nasawi siya noon ding oras na iyon at siya ay nakabisikleta.
Naganap ang aksidente sa panahon kung saan napakaluwag ng kalsada at walang laman at ika nga, ‘pwede ka mag-bowling.’ Sa kabila niyan, nangyari ang insidente at nabawian ng napakahalagang buhay ang isa pa namang health frontliner.
Walang saysay ang pagkasawi ng kaawa-awang doktora sa kamay ng isang walang-ingat na humahagibis na truck driver at ang matindi, tirik ang araw nang ito ay mangyari.
Ako ay pinalad na makapunta dati sa The Netherlands at doon, nakita ko ang pagiging matagumpay ng kanilang bicycle system dahil walang aksidenteng nagaganap na sangkot ang bisikleta. Bakit? Ito ay dahil sa ang nasabing sistema ay bunga ng malawakan at matagal na pag-aaral na di bababa ng isang dekada, kung saan lahat ng aspeto ay isinailalim sa konsiderasyon at desisyon.
Sa aking banda, nais kong bigyang-diin na buhay ang nakasalalay sa usaping ito. Ito ang dahilan kung bakit hati ang aking puso at isipan at nais kong hingin ang pag-unawa ng mga tao na ang opinyon ay kabaligtaran ng sa akin. Para kasi sa akin, ang buhay ay lubhang nalahaga kahit na isang kamatayan ay hindi katanggap-tanggap.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’