Mayorya ng mga Pinoy ayon sa isinagawang survey ng Pulse Asia ay hindi sang-ayon sa isinusulong ng gobyernong Duterte na pagpapababa ng criminal age liability.

Lumabas sa survey na 55% ng mga respondent ang tumugon na ipirmi sa kasalukuyang edad na 15-anyos ang criminal liability, 20% naman ang nagsabing dapat ay ibaba sa 12-anyos at 9% naman ang humirit na ibaba sa 9-taong gulang.

Malinaw sa resulta ng survey na sang-ayon na ang mayorya sa ating mga kababayan ay hindi pabor na babaan pa ang edad ng mga aasuntuhin.

Pero ang hindi natin maunawaan ay ang patuloy na paninindigan ng gobyernong Duterte sa kanilang isinusulong na pagpapababa ng edad.

Sa ipinalabas na pahayag ng Malacañang patuloy raw na pinaninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang naunang posisyon na pagpapababa pa ng edad ng mga pananagutin ng kasong kriminal.

Ibig bang sabihin ng posisyong ito ng Malacañang ay wala silang pagkilala sa pulso ng taumbayan?

Hindi magandang posisyon ng pamahalaan dahil ipinakikita nilang hindi mababali ang kanilang kagustuhan.

Kung patuloy na ganito katigas ang paninindigan ng Malacañang, ang sa amin sana naman ay magpamalas ng ganito rin katigas na posisyon ang Kongreso dahil sila na lamang ang inaasahan ng taumbayan na bumalanse sa lahat ng hindi patas na mga polisiyang hindi katanggap-tanggap sa taumbayan.