Mukhang ‘di pa rin nagbibigayan ang PBA at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makabuo ng isang koponang puwedeng isabak sa Asian Games.
Noong mga nakaraang dekada hanggang noon panahon ni Sonny Jaworski, taong 1990, tayo ay nagpadala ng ‘the best and the brightest’ sa Asian Games.
Bakit ngayon, tila puro mga manlalaro lang ng TNT KaTropa sa PBA ang nagbubuo ng ating koponang lalahok sa Indonesia mula Agosto 18-Setyembre 2, 2018. Isinama pa nila ang 3 kadete na sila Abu Tratter, Ricci Rivero at Kobe Paras.
Ang tanong ko lang at ng marami pang iba, bakit hindi natin isinama sila June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Stanley Pringle at Gabe Norwood? Mga subok na manlalaro sa international basketball stage. Totoo bang ayaw ipahiram ang mga ito ng kani-kanilang koponan sa PBA?
Natatakot ba sila na baka madisgrasya or maaksidente ang kanilang manlalaro sa torneo? O baka naman ang coach at mga opisyal ng koponan ay mga tao ni Manny Pangilinan at hindi nila sinasama ang ibang mga koponan ng PBA sa decision making sa pagpoporma ng tropa para sa Asian Games?
Hindi naman siguro ito totoo, kasi kilala natin si Mr. Manny Pangilinan at hindi siya ganyan.
Wala tayong masasabi sa papel ni Mr. Pangilinan sa lubos na pagsuporta sa laro ng basketbol dito sa ating bansa.
Naalala ba ninyo sa kanyang pagsuporta, nakatuntong ang ‘Pinas sa pinakamalaking torneo ng basketbol sa buong mundo na ginanap sa España, apat na taon na ang nakararaan?
Kaya saludo kami kay Mr. Pangilinan sa kanyang malasakit para sa Pinoy basketbol. Sana naman suportahan din ng ibang koponan ng PBA si Mr. Pangilinan sa pagsuporta sa layunin na pagandahin ang ating puwesto sa FIBA ranking.
Kung ‘di maganda ang takbo ng laro sa Indonesia sisihan na naman nang katakot-takot.
Sa akin lang naman, kung ‘half hearted’ tayo sa pagpapadala ng mga atleta sa Asian Games, ‘wag na lang tayong magpadala.
Opinyon ko lang naman ito kasi gusto ko makamit ang karangalan na tayong mga Pilipino ay ‘world class’ sa laro ng basketbol.