Kaye Dacer
Patindi na nang patindi ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sabagay, inaasahan na natin ito dahil nauna nang nag-abiso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na asahan na ang mas matinding trapiko ngayong bakasyon.
Nakakalungkot dahil kahit bakasyon at inaasahan nating mababawasan ang mga bibiyaheng mga estudyante at mga empleyado ng mga eskuwelahan ay tila wala itong epekto sa daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Anong programa pa kaya ang dapat gawin ng gobyerno partikular ang MMDA para mabawasan ang teribleng trapikong pinagdaraanan natin araw-araw?
Hindi pa ba sapat ang pagtataas ng singil sa multa sa mga pasaway na mga motorista kaya’t marami pa rin ang lumalabag sa batas-trapiko.
Sa aking pagkakaalam ay itinaas na ng MMDA ang mga singilin sa violator sa batas-trapiko epektibo noong pagpasok ng taong 2019.
Ang illegal parking ay itinaas sa P1K mula sa dating P200 habang P2K sa illegal parking for unattended vehicles mula sa dating multang P500.
Ang multa naman sa obstruction na dating P150 ay naging P1K habang ang multa sa yellow lane violation ay umakyat sa P1K.
Sa taas ng halaga ng multa nakapagtatakang marami pa ring pasaway.
Ang dapat sigurong gawin ng MMDA ay maghigpit para lahat ay sumunod. Wala sanang aregluhan para madala ang mga pasaway na mga motorista.