Naniniwala si Senador Grace Poe na sa mga panahong ito ay hindi lamang baril ang mahalaga para sa mga pulis kundi maging ang body camera bilang kanila na ring proteksiyon.

Kaya naman pursigido ang Senadora ang isulong ang panukalang pagsusuot ng body camera ng mga pulis sa tuwing may ­operasyon ang Philippine National Police (PNP).

Sa tulong ng suot na body camera ayon sa Senadora ay may pruweba sa mga totoong pangyayari sa operasyon bukod sa ito na rin ang magpapatunay kung nanlaban ang mga hinuli.

Dapat din aniyang gawing patakaran ang pagsusuot ng body camera sa mga pulis upang makakalap ng matibay na ebidensiya ang mga nagsasagawa ng imbestigasyon o nagrerebyu ng kaso, gayundin sa kaukulang pagkilos ng pulisya kapag may nanlalaban sa pag-aresto.

Ang ideyang ito ay inilutang ng Senadora bunsod ng sunud-sunod na patayan kabilang ang mga menor-de-edad dahil sa war on drugs ng gobyerno kung saan ang pinakahuling biktima ay ang 17-anyos na estudyanteng si Kian delos Santos.

Ang sa amin, bakit hindi subukan ang ideyang ito kung makakatulong sa malinis na operasyon ng ating kapulisan.

Sobra nang mantsado ang PNP, sirang-sira na sa kampanyang ito kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Sa katunayan sa halos lahat ng napapatay sa operasyon sa anti-drug operations ay pinagdududahang basta na lamang iniligpit.

Kaya ang sa amin, panahon na para ipatupad ang paggamit ng body cam, hindi lang bilang proteksyon sa mga miyembro ng PNP kundi sa mga inaarestong indibidwal.

Sa pamamagitan ng body cam ay matutukoy ang pagiging lehitimo ng isang operasyon at maiiwasan na rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Kongreso.

Kaya sana ay ibigay ng Kongreso ang suporta sa panukalang ito dahil kailangan talaga ito sa alinmang police operation.

Ibigay na sana ito ngayong mainit pa ang operasyon kontra iligal na droga upang wala nang lulutang na kuwestiyonableng ­pagkakapatay sa mga nasa likod ng operasyon ng iligal na droga sa bansa.