Bakit lumayas ang Honda, iba pang investor?

Isang malaking tanong kung bakit biglang lumayas ang mga malalaking ­investor sa bansa na siyang nagbibigay ng trabaho sa mara­ming Pilipono na may kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.

Ang ating tinutukoy ay ang napaulat na pag-shutdown ng manufacturing ope­rations ng Honda Cars Philippines Inc. sa Sta. Rosa Laguna na tiyak na mara­ming mawawalan ng hanap-buhay.

Bukod dito ay aalis na rin ang Nokia at Wells Fargo Philippines na nagpasok ng pamumuhunan sa bansa.

Ayon sa Malacañang ililipat na lang daw sa mga ­proyekto ng build, build, build infrastructure program ng Duterte administration ang mga manggagawang apektado ng pagpalayas ng mga dayuhang kompanya.

Madali sa salita pero mangyayari ba ito at akma ba ang ang kaalaman at benepisyo ng mga manggagawa?

Ang ating panawagan sana ay alaming mabuti ng Malacañang kung ano ang tunay na dahilan kung bakit sa nakalipas na 28 na taon ng manufacturing operations ng Honda Cars Philippines ay bigla itong titigil.

Ayon sa mga ulat ang pagdagsa ng mga mumurahing sasakyan umano ang pangunahing dahilan sa pag-shutdown ng planta ng Honda cars sapagkat sila raw ay nalulugi.

Bakit pinayagan ito ng gobyerno at hindi man lang inalagaan ang mga matatagal ng mga investor na siyang pinakinabangan din sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.

Baka naman may magagawa pa ang gobyerno na mapagbago ang desisyon ng mga investor dahil napakahirap na humikayat ng mga malalaking nego­syante na tatagal sa Pilipinas.

Mukhang ­natulog sa pansitan ang ­Department of Trade and Industry at ­hindi naalagaan ang ­Honda Cars at iba pang mga namumuhunan sa ating bayan upang mapa­natili ang kanilang mga negosyo sa ating bansa.