Bakit mahalaga ang pag-eehersisyo?

Bukod sa pagda-diet, pag-eehersisyo ang madalas na solusyon ng marami para magpapayat o magbawas ng timbang. Kung tutuusin, hindi lang ito ang mabu­ting dulot ng regular exercise. Malaki ang maitutulong nito para makaiwas sa mga sakit gaya ng diabetes, cardiovascular diseases o mga sakit sa puso at chronic respiratory diseases o mga sakit sa baga.

Maaari ring maging stress reliever ang pag-eehersisyo. Bukod sa nakadadagdag ito ng kumpiyansa sa ­sarili, nakapagbibigay rin ito sa atin ng malusog na pangangatawan.

Isa sa pinakamabisang ehersisyo ang paglalakad. Maglaan ng tatlumpung minuto o higit pa sa gawaing ito araw-araw. Kung walang oras, maglakad na lang sa hagda­nan kaysa gumamit ng elevator o escalator. Maglakad na lang din papasok sa eskuwela o opisina kung hindi naman malayo sa iyong tirahan. Malaki ang maitutulong ng paglalakad sa mga taong may hypertension. Nagagawa rin nitong maitaas ang level ng good cholesterol.

Maraming benepisyo ang dulot ng pagja-jogging o pagtakbo tuwing umaga. Isa na rito ang posibilidad ng pagkakaroon ng cancer. Habang tumatakbo, maayos na naikakalat ang oxygen sa ating katawan na siya namang nagpapabagal sa pagkalat ng cancer cells. Kung wala ka ring oras para mag-jogging sa labas, puwede naman itong gawin sa loob ng inyong bahay – jogging in place habang naki­kinig ng kanta o nanunuod ng TV.

Isa pa sa puwedeng gawin ang jumping jack, lalo na bilang warm-up exercise. Tulad ng push up, nakatutulong din ito sa ating puso at nakababawas din ng timbang. Ang paghinga nang malalim habang ­tumatalon ay tumutulong sa oxygen para du­maloy nang maayos sa ating bloodstream at sa ating mga muscles.

Sa mga gusto namang palakasin ang braso, balikat at dibdib, magandang ehersisyo ang push-ups. Malaki rin ang benepisyo rito ng ating puso. Kung gusto namang patibayin ang hita, binti at balakang, mainam na gawin ang squats.

Hindi lang naman physical exercise ang puwedeng gawin. Marami rin ang gumagamit ng meditation as form of exer­cise. Nakatutulong naman ito sa ating isipan. Nawawala ang stress at naghahatid ng positibong pananaw sa buhay ang meditation.

Kung may nakasanayan ka nang sports gaya ng basketball o volleyball, puwede na rin itong ­maging bahagi ng iyong ehersisyo para mas maging malakas ang katawan.

Ang sa akin lang, kumonsulta pa rin sa inyong doktor kung sasailalim sa mabigat na exercise. Tandaan, maaaring makasama sa katawan ang ehersisyo kapag nasobrahan.