Hindi po premenstrual syndrome ang tinutukoy ko rito. Sa mga drayber po, ang PMS ay ang preventive maintenance schedule. Ito ang nakasulat na takdang panahon kung kelan dapat magpunta sa talyer at ipaayos ang inyong sasakyan.
Base sa kahulugan nito, ang PMS ay ginagawa hindi dahil may sira ang sasakyan. Ginagawa ito para hindi masira ang sasakyan. Preventive po. Kumbaga sa tao, ito ang APE o annual physical exam. Pero kaiba sa ating katawan, hindi lang pagsusuri ang ginagawa natin sa ating sasakyan. Pinapalitan na natin ang mga alam nating posibleng masira.
Halimbawa, hindi dapat hinihintay na masira ang fan belt ng makina ng inyong kotse bago ninyo ito palitan. May kilometer reading po na nirerekomenda ang mga eksperto para rito.
Ganundin sa pagpapalit ng fluids gaya ng langis, coolant at tubig sa radiator, brake fluid at transmission fluid. Lahat ito ay may preventive maintenance schedule.
Hindi naman kelangan sa casa pa kayo magpa-PMS. Kung hindi na po sakop ng warranty ang inyong sasakyan, puwede na sa maliliit na talyer basta sigurado ninyo na mahusay ang mekaniko.
Kelangan din na compatible ang mga piyesa na gagamitin ninyo. Meron namang OEM o original equipment manufacturer na iba ang brand pero rekomendado ng gumawa ng inyong sasakyan.
Tandaan po natin: Mas tatagal ang buhay ng ating sasakyan at hindi nito papasakitin ang ating ulo kung aalagaan natin ito. Sundin po natin ang PMS ng ating sasakyan at ito ang susi sa ligtas at matiwasay nating pagmamaneho.
***
Email: junep.ocampo@gmail.com
kakatawa ka, wala ng fan belt ang mga bagong sasakyan. Ang tawag dun, serpentine belt, hahahahahah