Hindi na biro ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagpapakamatay partikular na sa mga celebrity.
Gaya na lamang ng famous actress at original bombshell girl na si Marilyn Monroe, ang kinikilalang masayahing Hollywood actor at ‘World’s Greatest Dad’ na si Robin Williams, at ang magaling na food and travel celebrity na si Anthony Bourdain.
Kamakalawa ay ang pagsu-suicide naman ng Filipino rock band Razorback drummer na si Brian Velasco ang gumulantang kung saan sinadya pa nitong kunan nang live sa Facebook ang pagtalon nito sa tinutuluyang condo.
Sinasabing ang dahilan ng kanilang pagpapatiwakal: Depression.
Ano ba ang depression?
Ang depression ay ang tinatawag na mental disorder o karamdamang pangkaisipan kung saan ang tao ay nakakaranas ng depressed mood – isang sobrang lalim na lungkot na hindi lumilipas.
Isa itong totoong sakit at hindi kathang-isip lang. Ang depressed mood na ito ay maaaring sinasabi ng tao na nakakaranas nito kahit hindi obvious sa hitsura nila o maaari rin namang na-oobserbahan lang ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Ilan sa sintomas na kaakibat nito ay ang mga sumusunod:
Laging pagod ang pakiramdam kahit bagong gising.
Pakiramdam ay black and white lahat o walang kulay lahat ng nakikita.
Hirap mag-concentrate o hirap magdesisyon.
Parang sirang plaka na paulit-ulit na iniisip ang mga hindi magandang nangyari sa buhay.
Pagod na pagod pero ilang saglit lang ay hyper naman sa nerbiyos at pag-aalala.
Walang gana sa mga dating kinatutuwaang gawin.
Nababawasan ng timbang kahit hindi nagda-diet o nananaba.
Ayaw kumilos, nakatulala o ‘di mapakali.
Pakiramdam ay wala nang silbi o halaga at guilty na sila ang may kasalanan ng lahat.
Nakakaisip ng tungkol sa kamatayan o nakakaisip na gusto na nilang mamatay.