Bakit may kinikilingan sa military uniform?!

Mayroong mga taga-gobyerno na walang karapatang magsuot ng military uniform subalit hindi naman pinapansin ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang reklamo ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na bagama’t hindi nagpabanggit ng pangalan ay halatang tumutukoy kay Presidential Commu­nications Operations ­Office (PCOO) Undersecretary Mocha Uson.

Ginawa ni Zarate ang reaksyon matapos magbanta ang AFP na kakasuhan ng mga ito ang aktibistang si Juana Change o Mae Paner sa tunay na buhay dahil sa hindi paggalang sa uniporme ng militar.

Noong Hulyo 24, kasama si Paner sa mga nagsagawa ng kilos protesta kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nakasuot si Paner ng military uniform.

Kasabay ni Paner na naglakad habang nagpoprotesta noon ang mga mili­tanteng mambabatas tulad nina Zarate at ACT Teachers party-list Reps. Antonio Tinio at France Castro.

“Why single her out? Why was the AFP silent in many other instances but is raising a howl now?” tanong ni Zarate dahil ilan umano sa mga sibilyan na nagsusuot ng military uniform ay kasama pa ng mga ito sa mga naglalabasang mga larawan sa social media.

Dahil dito, naniniwala si Zarate na isang uri ng harassment ang ginagawa ng AFP kay Paner dahil hindi nila kaalyado.

“The AFP is clearly­ harassing Ms. Paner for being critical of Martial rule and the increasing fascist propensity of the Duterte administration. Ms. Paner as an artist is just exercising her right of freedom of expression like many others­ who used military uniforms in their performance,” pagtatanggol ni Zarate kay Paner.

Samantala, base sa pinakahuling ulat, hindi na umano kakasuhan ng militar si Juana Change.