Bakit nga ba dagsa ang mga Chinese sa bansa?

Isinusulong ngayon sa Senado na imbestigahan ang pagdating sa bansa ng lumalaking bilang ng mga Intsik.

Walang problema kung turista sila. Ang totoo ay napakagandang balita kung turista sila na pumupunta rito. Mga dayuhang magpapasok ng pera habang iniikot nila ang magagandang tanawin at pasyalan sa Pilipinas.

Pero hindi turista ang mga Intsik na dumarating sa Pilipinas ngayon. Mayroon silang hawak na working permit. Ibig sabihin, nandito sila para magtrabaho.

Bakit? Hindi bale sana kung kinakapos ng trabahador mismo ang Pilipinas. E lobong-lobo na nga ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho. Tapos aagawin pa ng mga dayong Intsik ang trabaho na dapat ay sa Pinoy!

Hindi talaga tama ito.

Unang-una, isa sa mga ibinibida ni Pangulong Digong Duterte noong kampanya ay bubuhos ang trabaho sa ila­lim ng kanyang Build, Build, Build program.

Nasa’n na ang pangakong ito? Inalagwa na nga raw ang Build, Build, Build pero Chinese employment ang tinugunan. Anyare?

Ang hirap hanapan ng katwiran na sa sariling bansa ay mga Intsik ang nakikinabang sa programa ng gob­yerno.

Ni hindi mga Tsinoy ang mga ito. Ni hindi long-time resident sa Pilipinas. Mga Intsik na ngayon lang tatapak sa Pilipinas na ang tanging layon ng pagtungo dito ay magtrabaho.

Dapat ay masimulan agad ng Senado ang imbestigasyon sa bultuhang pagdagsa sa bansa ng mga Chinese worker at sana ay maging daan ang imbestigasyon para maputol ang pang-aagaw ng mga Intsik sa trabaho at kita na dapat ay sa mga tambay na Pinoy.