Bakit nga pala dedma ang DOLE sa POGO?

Matindi na ang pro­blema ng ating bansa sa tinatawag na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Andami-daming sinisisi sa pagdagsa ng mga Chinese national na nasa likod ng POGO.

Nariyan ang Bureau of Immigration (BI) at ang gobyerno sa kabuuan.

Pero hindi ba’t ang dapat na unang sisihin sa kawalang aksiyon sa paglobo ng mga Chinese national na nasa likod ng POGO ay ang Department of Labor and Employment (DOLE)?

Ano ang ginagawa ni Secretary Silvestre Bello sa pagdagsa ng mga Chinese national sa ating bansa na sa pinakahu­ling ulat ay umaabot na sa mahigit 130,000 Chinese national.

Kung may dapat ­kumilos sa problemang ito sa pagdagsa ng mga Chinese national sa POGO walang iba ito kundi ang DOLE.

Anong aksyon kaya ang gagawin ni ­Secretary Bello sa pro­blemang ito.
Aba’y andami-da­ming oportunidad na ang nawawala sa ating mga Pinoy dahil imbes na mga jobless nating mga kababayan ang mabibigyan ng trabaho sa nauusong POGO ay sa mga dayuhan ito bumabagsak.

Hindi lang ‘yan sumasama ang imahe ng ating bansa at lumalaganap ang krimen dahil sa pagpasok ng mga Chinese national na iyan sa POGO.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang pagsusugal ay may negatibong epekto sa buhay ng bawat isa at ito ay ang kasamaan ­sapagkat ‘pag natalo ka ay paniguradong malilinya ka sa kasamaan para makabawi sa pagkalulong sa ­masamang bisyo.

Ang tanong anong dahilan at hindi natututukan ni Sec. Bello ang problemang ito?

Marami ba siyang trabaho para hindi maharap ang ganito kaseryosong problema?

Hindi kaya dahilan ng hindi pagkatutok ni Sec. Bello sa problemang ito sa POGO ay dahil madalas ito sa ibang bansa para asikasuhin ang mga sinasabing problema ng mga kababayan natin sa iba’t ibang bansa?

Ang sa akin, seryosong problema ang pagdagsa ng mga Chinese national kaya mas dapat niya itong bigyang-pansin. Maliban pa sa may mga nakatalaga naman ta­yong mga opisyal sa iba’t ibang bansa para katawanin ang gobyerno at harapin kung anuman ang kanilang hinaing.

Aba’y sayang ang limpak-limpak na salaping nauubos sa pagbibiyahe ni Secretary kung mayroon namang mga opisyal tayong nakatalaga sa mga ito.
Masyadong mababaw na dahilan kung gagamiting excuse ni Sec. Bello na nangingibang bansa ito para kausapin ang ating mga OFW?

Kaya sana makita ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang may pagkukulang sa matinding problemang kinakaharap ngayon ng ating bansa na dulot ng pagbuhos ng mga Chinese national sa POGO.