Hindi nakapagtatakang pagdudahan ng ilang senador ang timing ng akusasyon ni dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon laban kay Senador Panfilo Lacson at sa anak nito na inakusahan niyang sangkot sa smuggling.

Ayon nga kay Senate Minority leader Franklin Drilon, ‘bakit ngayon lang, 24 hours after Sen. Lacson’s exposé?’

Naging bahagi ng pasabog ni Faeldon ang aniya ay pagkakadiskubre nila sa pang-ika-12 araw pa lamang sa BOC sa pagkakasangkot sa smuggling ng anak ni Sen. Ping na si Panfilo ‘Pampi’ Lacson Jr., na nagmamay-ari ng ‘Bonjourno’ na importer ng bilyong halaga ng semento.

Nakakagulat nga ang rebelasyong ito ng nagbitiw na BOC commissioner.

Pero katulad ng tanong ng isang Senador, bakit ngayon lang ito ginawa gayung mahigit isang taon ito sa posisyon.

Kung mayroong dapat papanagutin sa usaping ito ay si Faeldon dahil muli niyang ipinamalas ang kanyang pagiging incompetence sa puwesto.

Kung sinsero siya at sumusunod siya sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagluklok sa kanya sa puwesto dapat kinasuhan niya ang anak ni Lacson kung noon pa man pala ay sangkot na sa smuggling.

Subalit ano ang kanyang ginawa? Nanahimik lang ang opisyal at walang hakbang na ginawa para matigil kung totoo mang sangkot sa smuggling ang anak ng Senador.

Kaya ang sa amin, mas kapani-paniwala ang mga rebelasyong ito ni Faeldon kung ginawa niya ito noong bagong pasok pa lang siya sa BOC at tiyak na nasa puwesto pa ito.

Pero kung ganyang magsasalita ka lamang kung saang nababanatan ka ay ibang usapin na ito. Nakapagdududa at lumalabas lamang na bahagi lamang ito ng paghihiganti dahil sa pagkaladkad ng Senador sa nagbitiw na opisyal ng pagtanggap ng ‘pasalubong’ nang maupo ito sa BOC mahigit isang taon na ang nakakaraan.

Ang sa amin, sa halip na magbatuhan ng sisi sa publiko ay dalhin na lamang sa korte ang inyong mga isyu upang may kahahantungan ang inyong mga pasabog.