Bakit paminsan-minsan mayroong tambakan?

buhay-atleta-by-charlie favis

Marahil paminsan-minsan, nakakapanood tayo ng mga laro sa PBA, sa NCAA o sa UAAP kung saan ang isang koponan ay tinatambakan ng kanilang kalaban.

At hindi ito makikita lang sa isang koponan na mahina ang ‘line up’. Noong isang araw, nakita natin na ang multi-award winning team ng San Miguel, na nakasungkit na ng ilang kampeonato, ay tinambakan ng Meralco Bolts team, 111-81.

Sa tingin ko lang, mahina ang Meralco Bolts kumpara sa San Miguel.

At dalawa sa kanilang manlalaro ay hindi pa nakapaglaro – si Jared Dilinger at ang beteranong si Ranidel de Ocampo. So bakit kaya nagkakaron ng tambakan sa basketball?

Ang kadalasan dahilan ay preparasyon ng koponan katulad ng Meralco. Baka pinag-aralan ni Coach Norman Black ang laro ng San Miguel at gumawa siya ng mga hakbang para labanan ito.

Siguradong pinag-aralan niya kaya sa basketball, importante ang scouting.

Naalala ko nung nasa PBL pa ako, nagpadala ako ng team sa Malaysia sa isang torneo. Tinalo namin ang isang koponan na galing Russia sa eliminations, ngunit nung sa semifinals, kinalaban ulet namin sila at dito tinambakan naman nila kami.

Isa lang ang dahilan, na-scout kami nang maigi.

Meron ding mga araw na off night ang shooting ng mga manlaro, o hindi maka-shoot. Naalala natin si Marcio Lassiter ng San Miguel na talagang shooter o tirador mula sa 3 point line.

Meron isang laro na gumawa lang siya ng isang triple out of 8 tries. Nung nakaraang laro din ng Oklahoma sa NBA, isa sa pinakamagaling na shooter nila ay si All-Star player Paul George. Noong isang araw, nakagawa lang siya ng isang triple sa 10 tira.

So pangalawang rason kung bakit natatambakan ay malas yung player, hindi maka-shoot.

Meron din ibang dahilan, at ito’y injury, katulad ni June Mar Fajardo. Sa kanya nakasalalay ang opensa ng San Miguel at kung hindi pa makalaro nang husto ang MVP ng torneo, delikado ang kanyang koponan.

Ang pang-apat na dahilan ay kung ang mga manlalaro ay ‘di masyadong bilib sa kanilang coach.

Parang hindi sila ginaganahang maglaro kasi parang ayaw nila ng sistema ng kanila coach.

Ito ang madalas kong nakikita noong araw noong nasa PBA at PBL pa ako.

So, naiintindihan na natin kung bakit paminsan-minsan may tambakan sa mga torneo.