Bakit pumatok ang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) sa publiko at hindi lang ang ordinaryong pasahero ang tumatangkilik? Bakit kahit maraming taxi at UV Express eh mas pinipili pa rin ngayon ng maraming tao ang TNVS?
Unang-una ang teknolohiya talaga ang nagpauso sa TVNS dahil kung wala ka namang internet connections eh hindi ka makaka-avail naman talaga ng serbisyo ng transport system na ito.
Hindi puwedeng cellphone lang na walang internet connection para makatawag ka ng TNVS. Kailangang mayroong internet connection dahil malalaman mo kung papalapit na ba ang sasakyang susundo at maghahatid sa iyo sa inyong pupuntahan.
Wala yan sa taxi at AUV dahil saka lang sila magkakaroon ng pasahero kapag may pumara sa kanila o kaya nakapagsakay sila sa kanilang terminal. Hindi ka puwedeng tumawag ng taxi gamit ang cellphone mo dahil hindi mo naman alam ang cellphone number nila.
Alam na ng mga pasahero ng TNVS kung magkano ang babayaran nila kapag nag-book na sila at kung anong plate number ng sasakyan, uri ng sasakyan na susundo sa kanila.
Wala yan sa taxi dahil wala kang ideya kung anong uri ng taxi ang hihinto sa harap mo at hindi ka pa sigurado kung magkano ang babayaran mong pamasahe dahil may mga taxi na mabibilis ang patak ng metro at magpaparinig pa ang driver sa pasahero na sobrang trapik, kesyo lugi dahil walang pasahero pagbalik, kesyo mauubos ang gasolina nya.
Kapag pumara ka pa ng taxi hindi ka sigurado kung isasakay ka dahil tatanungin muna nila kung saan ang punta mo at kapag hindi nila gusto, eh iiwanan ka habang nagtatanong ka pa. Kapag okey sa kanila ang destinasyon mo, kokontratahin ka pa at yung mga hindi naman nangongontrata sasabihin sayo na baka puwedeng magdagdag pangkain lang nila dahil wala pa silang pasahero.
Maliban dyan, ang mga TNVS client ay nakakasiguro na ang sasakyang susundo sa kanila eh bago bagay na bihira na sa mga taxi dahil maraming tumatakbong taxi ngayon ay bulok na, mabaho at kakarag-karag dahil sinasagad ng operators ang gamit sa sasakyan.
Ano ba ang punto ko dito? Napag-iiwanan na kasi ng teknolohiya ang mga taxi at hindi ina-upgrade ng madalas ang kanilang mga yunit kaya iniiwanan na rin sila ng kanilang mga pasahero o second choice na lang sila ngayon ng mga pasahero.
Masyado ding mahal ang boundary ng mga taxi kaya yung mga driver eh dumidiskarte at kung ano-anong katarantaduhan ang ginagawa tulad ng pandaraya sa metro, mangongontrata o kaya humihingi ng dagdag na bayad. Pero dahil sa kanilang pagdidiskarte, marami ang nawawalan ng gana sa kanila at damay ang buong industriya at bagama’t may matitino, sabi ng mga kapwa ko pasahero, bibihira na.
Sa TNVS, walang boundary at saka lang tatakbo kapag may tawag kaya mas malaki ang gastos ng mga taxi drivers dahil kailangan tumatakbo sila ng tumakbo para magkaroon sila ng pasahero.
Pero huwag sanang mawala ng tuluyan ang taxi, umayos lang ang mga taxi drivers, maging magalang lang sa mga pasahero, huwag choosy, at ibaba ang boundry nila, eh siguro aayos ang sistema nila. (dpa_btaguinod@yahoo.com)