Bakit pinayagang makabalik sa puwesto?

Nakakatigalgal naman ang eksena sa munisipyo ng Albuera, Leyte kung saan mayor si Ginoong Rolando Espinosa Sr., na naka­kaladkad sa operasyon ng iligal na droga.

Balik munisipyo na si Espinosa matapos ang 15-araw nitong pag-leave of absence dahil lumutang ito sa Camp Crame upang linisin ang sarili kasunod ng pagkaladkad sa kanyang pangalan at anak na si Kerwin sa operasyon ng iligal na droga sa Visayas region.

Ang pagbabalik sa munisipyo ay ginawa ni Espinosa dahil naka­kasiguro raw siyang magiging ligtas ang kanyang buhay dito lalo na’t inalis na rin ang kanyang police escorts ng National Police Commission (Napolcom).

Hindi natin kinukuwestyon ang rason sa likod ng tila pagkubli ni Espinosa sa munisipyo dahil maaaring naroon ang kanyang takot at pangamba sa buhay.

Pero para sa amin, hindi ito sapat na dahilan para payagan siyang makabalik sa puwesto na parang wala siyang kinakaharap na kaso.

Ating tandaan malaking kaso ang kinakasangkutan ni Espinosa. Hindi ito dapat binabalewala lalo na’t maigting ang kampanya ng gobyernong Duterte sa iligal na droga at sa iba pang uri ng krimen.

Kaya dapat ay pumapel na sa isyung ito ang Department of Interior and Local Government (DILG) upang ilagay sa dapat na kalagyan ang opisyal dahil­ hinding-hindi natin kayang sikmuraing makita na isang halal na opisyal ng lokal ang nakapuwesto pa sa kabila ng mabi­gat na akusasyong sangkot ito sa operasyon ng iligal na droga.

Ipagpalagay na nating may due process na dapat pairalin pero hindi pa rin ito sapat na dahilan para makabalik ito sa puwesto bilang alkalde ng Albuera.

Hindi ito magandang ehemplo sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na nakakaladkad sa operasyon ng iligal na droga at iba pang uri ng krimen.