PANAHON na para malaman natin kung gaano kalayo ang karera sa Pilipinas sa pinakaprogresibong bansa ngayon sa karera na Japan.
Sa nakaraang pagpunta ng Abante Tonite sa Chukyo Racecourse sa Nagoya (bilang representative ng Metro Manila Turf Club sa ginanap na JRA Asia Week of Racing), sadyang mapapamangha ang sino man ang makababasa ng resulta sa ginanap na dalawang araw na karera noong Hulyo 16-17.
Anim na mga exchange goodwill races ang isinama sa 24 na kabuuang karerang binitiwan noong weekend – tig-12 karera kasi sa Sabado at Linggo ang ginanap doon habang meron ding simulcast races na ginaganap sa dalawa pang malalaking karerahan ng JRA doon din sa Japan – Fukushima Racecourse at Hakodate Racecourse.
Sabay na mga pakarera sa tatlong karerahan pero idinaraos ito ng salit-salitan. Ilang minuto pagkatapos idaos ang isang karera ay sinusundan kaagad ito ng pagtakbo sa dalawa pang karerahan.
Sa Chukyo Racecourse lang ay nakakahindik na ang mga resulta sa grose at attendance sa loob at labas ng karerahan. Meron lang 44 na official off-course betting stations ang JRA kung kaya’t karamihan sa mga racing aficionados, kasama na ang kanilang buong pamilya, ay sa karerahan nagpupunta at namamasyal.
Noong Hulyo 16 (Sabado), 12 karera ang ginanap kasama na rito ang tatlong Trophy Races para sa Malaysia, India, at Thailand para sa JRA Asia Week of Racing.
Dinumog ng 11,870 racingfans at kanilang kapamilya ang napakalaking Chukyo Racecourse kung kaya’t kahit saan ka magpunta sa mga facilities nito ay puno ng mga tao.
Ang napakalaking Grandstand ay hindi magkaugaga sa dami ng tao pati na ang malaking ground nito na meron pang iba’t ibang mga events na ginaganap tulad ng food at drinks festival.
Puno din ang Playground na nasa in-field o gitna ng karera at puwedeng mapuntahan sa pamamagitan ng pagdaan sa underground, kung saan lahat ng mga pasilidad ay puwedeng mapuntahan ng mga kawani ng racecourse.
Malalaking ang daanan sa underground kung kaya’t puwedeng dumaan ang mga naglalakihang trucks na pandilig o pangkalaykay ng pista.
Umabot din sa nakalululang Yen6,317,522,400 (US$63-million o P2.96-billion) ang nailistang grose pagkatapos ng 12 karera doon lang ito sa Chukyo Racecourse.