Bakit tinabla ang endo?

For the record by Jeany Lacorte

FOR THE RECORD
Jeany Lacorte

Maraming dismayado sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na harangin ang Security of Te­nure Bill — ang batas na tatapos sana sa kontraktwalisasyon.

Kumbaga sa pag-ibig, pinaasa lamang pero iniwang nganga ang mga manggagawa.

Noong kumakampanya pa lamang si Duterte, kasama sa kanyang unang pa­ngako na tapusin ang nakasanayang ‘endo’ o ‘end of contract’ sa mga kompanya na umiiwas sa pagkuha ng mga regular na empleyado.

Sa ilalim ng kalakarang ‘endo’, nagha-hire ang mga kompanya ng manggagawa na kanilang pinagtatrabaho hanggang limang buwan at hindi pinapaabot ng anim na buwan dahil nakasaad sa umiiral na batas na kaila­ngang maging regular employee ang isang manggagawa at bigyan ng mga karampatang benepisyo.

Kaya noong manalo si Duterte, mara­ming manggagawa ang umasa na matatapos na ang kontraktwa­lisasyon. Pero bigo nga ang lahat nang i-veto ni Digong ang batas na kanyang ipinangako. Pero bakit nga ba ito ginawa ni Duterte? Bakit sinira niya ang kanyang pangako, ang kanyang salita?

Kapag naipatupad ang End of Endo Bill, maraming kompanya partikular ang mga maliliit na pabrika, ang mapipilitang magsara dahil hindi pa nila kakayanin na gawing regular ang kanilang mga emple­yado. At kapag nagsara ang mga kompanyang ito, mas mara­ming mawawalan ng trabaho. Gusto man ng gobyerno na ma­ging regular ang mga empleyado, hindi nila makakaya na dumoble o maging triple pa ang bilang ng mga walang trabaho.

Mismong Malacañang, sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang tumiyak na nananatili ang commitment ni Pangulong Duterte na tapusin ang endo: “While the President has vetoed the enrolled bill which attempt to strengthen the security of tenure of our workers, his promise to end unfair practices of contractualization will remain and will be pursued, if not soonest, still with the term of the President.”

Pero sa ngayon, kailangan muna ni Duterte na magsakripis­yo at lunukin ang kanyang prinsipyo para iligtas ang mas nakarara­ming manggagawa na napipintong magbilang ng poste kapag sapilitang ipinatupad ang End of Endo.

“The constitutional guarantee of security of tenure does not authorize this government to oppress or cause self- destruction of our employers. One country cannot afford business closures as it will pain us seeing a decline of job opportunities for our labor force,” ani Panelo.

Kaya masakit man para sa mga pinaasa at binigong manggagawa, pirmi muna at tiiis-tiis pa hanggang sa ganap na maihanda at mailatag ang lahat ng kakailanganin para tuluyang matupad ang pangakong wawakasan din ang kontraktwalisasyon.