Hindi na ako nagtataka kung bakit mataas ang satisfactory rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng batikos sa kanya hinggil sa giyera kontra ilegal na droga at pagsasailalim sa Mindanao sa batas militar.
Marami ang natutuwa na nabawasan ang drug addict sa lansangan at sa mga komunidad sa Metro Manila at maging sa mga probinsya kaya bumaba ang crime rate sa bansa.
Ibig lang sabihin nito, karamihan sa mga krimen ay kagagawan ng mga taong lulong sa ipinagbabawal na droga at yung iba ay gumagawa ng krimen para masustenahan nila ang kanilang bisyo.
Pero dahil karamihan ay nasa kulungan na at yung iba naman ay six feet below the ground na sila, eh nabawasan ang kriminalidad sa bansa at yung ang ikinatuwa ng mga tao kaya binigyan nila ng mataas na satisfactory rating si Digong.
Ilan lang ba kasi ang drug addict? Ipaglagay na lang natin na totoong 3 milyon na sila. Katumbas yan ng mahigit 3% sa populasyon ng Pilipinas at ang natutuwa sa kampanya ng gobyerno laban sa kanila ay mahigit 76% dahil 105 million na ang mga Filipino.
Malaking bagay talaga sa isang lipunan ang peace and order at dahil aprub sa mas nakakarami ang kampanya ni Digong kontra ilegal na droga kaya binigyan pa rin siya ng mataas na satisfaction rating.
Kahit pa sabihin na bumaba ang 12 point ang rating ni Duterte sa Mindanao dahil sa Martial Law sa Mindanao, mas nangingibabaw pa rin ng tuwa ng mga taga-Visayas at Luzon sa kanyang naging tugon sa paghahasik ng Maute at Abu Sayyaf Group ng terorismo sa rehiyon lalo na sa Marawi dahil sa isang iglap, ang dating economic hub ng Lanao del sur ay nadurog.
Natakpan ng approval ng taga-Luzon at Visayas ang pagbaba ng rating ni Digong sa Mindanao kaya mataas ang nakuha pa rin nitong puntos sa kabuuan ng bansa. Isang indikasyon na pabor ang mayorya sa mga Filipino na panahon na talaga para durugin ang mga terorista.
***
Isa pang Filipino ang nagtapos sa United States Military Academy (USMA) o na mas kilala sa West Point sa New York ngayong taon sa katauhan ni 2nd Lieutenant Don Stanley Castillo Dalisay.
Nakatakda siyang pangaralan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos maghain ng House Reolution (HR)1070 ang kanyang kababayan na si Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu.
Kahit sinong mambabatas ay ipagmamalaki ang kanilang kababayan na nakapag-uwi ng karangalan para sa bansa na hindi napapansin dahil ang karaniwang pinaparangalan lang ay yung mga sikat tulad ng boksingero, beauty queen at olympian.
Si Dalisay ay tubong Tingloy, Batangas na nagtapos ng valedictorian sa University of Batangas sa high school at nagkaroon ng public health degree sa University of the Philippines-Manila noong 2011.
Pumasok siya Philippine Military Academy (PMA) noong 2012 at tanging Filipino sa 20 international cadets na natanggap sa USMA noong 2013 at nagtapos ngayong taon.
Isa sa kilalang West Pointer na Filipino ay si dating Pangulong Fidel Ramos. (dpa_btaguinod@yahoo.com)