Bakit walang deadline sa mga pagawaing kalye?

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Effort kung effort na ang ating gobyerno sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at sa katunayan ay may nakaantabay pang emergency powers para kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte upang maresolba ang hebigat na trapikong sumasalubong sa publiko araw-araw.

Sa katunayan, wala namang nagkukulang sa mga ahensya ng pamahalaan pagdating sa paghahanap ng solusyon sa ma­tinding trapiko dahil lahat ng paraan na maa­ring makapagpaluwag sa daloy ng trapiko ay ginagawa na ng mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) gayundin ang local government units (LGUs).

Kanya nga lamang mayroon talagang mga ugat ng trapiko na hindi nabibigyang-pansin.

Katulad na lamang ng walang puknat na pagbubungkal sa kalsada ng ilang pribadong kum­panya sa pangunguna ng Maynilad.

Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit kailangang paulit-ulit na pagbubutas sa kalye ang ginagawa ng mga tauhan ng Maynilad.

Halimbawa na lamang ang pagkukumpuning ginagawa nila sa ilang ba­hagi ng Dr. A. Santos Ave­nue sa Sucat Road.

Ang alam natin at nasaksihan natin sa ating pagdadaan sa nasabing national road ay natapos na itong butasin ng mga taga-Maynilad para isa­gawa ang anumang pagkumpuning dapat nilang gawin.

Pero nakapagtatakang sinisimulang muli ng Maynilad ang pagbubutas sa ilang bahagi ng nasabing daan na lalo pang nakakapagpadagdag sa sikip ng daloy ng trapiko.

Hindi lamang diyan sa parte naman ng Quezon City sa kahabaan ng Zabarte Road, muli na namang nagbubutas ang mga tauhan ng Maynilad at may mga ginagawa na namang silang pagkukumpuni na nakakadagdag lalo ng trapiko.

Ang sa amin, bakit hindi gawin ng minsa­nan ang pagbubutas upang wala kayong naabalang mga motorista?

Makita sana ng Maynilad ang kapalpakang ito ng kanilang mga kontra­tista dahil talagang pasa­kit ang hatid sa publiko.

Napakalaking kumpanya ng Maynilad at alam kong kaya ninyong magbigay ng mahigpit na panuntunan sa inyong mga contractor upang sa ga­yon naman ay hindi kayo maging sobrang sama sa paningin ng taumbayan na napaka-inutil.