Ngayong maraming pagbabago ang gustong isulong sa ating mga batas, tulad ng ginagawa sa Philracom at Games and Amusements Board, marami ang nagsasabing panahon na para baguhin din ang ilang probisyon sa tayaan.
Matindi kasi ang balitaktakan sa Kongreso sa mga isyu tungkol sa mga nasasakupang kapangyarihan ng Philracom at GAB, kasama ang umuusbong na Sabong Online Betting.
Kung titingnan, mas mahirap manalo sa karera dito sa Pilipinas kung pagbabasehan ang tayaan sa malalaking karerahan sa buong mundo tulad ng Japan, Amerika, Hong Kong, Singapore, Macau.
Sa Daily Double pa lang ay maghihintay ka pa ng dalawang karera para malaman kung ikaw ay tumama. Sa Forecast ay kailangang magdatingan nang 1-2 ang mga piniling numero para manalo.
Sa malalaking karerahan sa buong mundo, ang pinakapaborito ay ang Win at Place. Medyo malaki ang tinatamaan sa Win kumpara sa Place. At isang karera lang ang paglalabanan ay malalaman na kung nanalo ka o hindi.
Meron din silang Quinella na Forecast na matatawag pero magkabaliktaran man ang taya mo nanalo ka na. Isang taya lang hindi kagaya ng Forecast na kailangang magbaliktaran ang taya mo para manalo.
Bakit ang Daily Double at Forecast pa rin ang sikat na tayaan dito sa atin? Wala na kasing magawa ang mga mananaya dahil kahit na meron tayong Win at Place, grabe naman ang kinakaltas na tax kaya wala na halos makubra ‘pag tumama ka.
Bakit hindi ito pag-ukulan ng pansin ng mga kinauukulan bago nila pag-usapan kung dapat bang idagdag ang karera ng aso at pigeons (baka daga at pagong ay maisali pa) sa mga dapat pakialamanan nila?