Sa kagustuhang ma-relax ang katawan ay natangay ang 50,000 Japa­nese Yen ng isang Japa­nese national matapos mabiktima ng isang bakla na nagpakilala umanong masahista kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Nagtungo sa Manila Police ­District-General Assignment and Investi­gation Section (MPD-GAIS) ang biktimang si Kazymasa Narita, 30, para ireklamo ang pagkawala ng kanyang pera na ninakaw umano ng suspek na nagpakilala lamang sa pangalang ‘Apple’.

Sa reklamo ng biktima, alas-7:30 ng gabi nang makilala ni Narita na kararating lamang ng Maynila ang baklang suspek sa ibaba ng tinuluyang hotel.

Naging magiliw ang suspek hanggang nagkapalagayan ng loob ang dalawa.

Kasunod nito ay nag-alok ng serbisyong masahe sa biktima na pinayagan naman nito.
Nag-check-in ang biktima sa isang hotel sa Del Pilar Street Malate, Maynila para doon magpamasahe.

Nang nasa loob na ay nagpaalam ang biktima na magsa-shower lamang bago magpamasahe pero paglabas niya ng banyo ay wala na ang suspek, at nakita ang kanyang panta­lon na nakakalat sa sahig at nang busisiin ay wala na ang kanyang pera.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD-GAIS sa posibilidad na makitang muli ang suspek.