Dahil bagong-litaw (“novel”) ang coronavirus (SARS-CoV-2) na nagdudulot ng sakit na COVID-19, walang anumang likas na depensa ang katawan ng sinoman laban dito. Maaaring mahawa ang kahit sino, saan man sa daigdig. Ito ang dahilan kung bakit rumaragasa ang pandemya ng COVID-19 at naka-lockdown ang karamihan ng mga bansa sa buong planeta.
Kailan matatapos ang pandaigdigang krisis na dala ng COVID-19? Kailan magbubukas muli ang mga pabrika, opisina, paaralan, simbahan, shopping mall? Kailan muling makapaglalakbay sa loob at labas ng bansa? Kailan babalik sa “normal” ang ating buhay? Makababalik nga ba tayo sa dating kinagawian?
Bakuna ang magbibigay ng pangmatagalang proteksyon laban sa COVID-19. Nagkakaisa ang lahat na ang pagtuklas at pagpapalaganap ng bakuna ang pinakamabisang paraan para ganap na mawakasan ang banta nito sa populasyon ng buong daigdig. Dahil nga bagong-litaw ang COVID-19 virus, wala pang bakunang nalilikha laban dito sa kasalukuyan.
Karaniwang tumatagal nang 15 taon ang proseso ng paglikha ng bagong bakuna, mula sa yugto ng pre-clinical development (pagtuklas ng antigen na maaaring magbigay ng imunidad; pagsubok nito sa test tube at sa hayop) hanggang sa clinical development (pagsubok kung ligtas at epektibo ito sa tao, pagsubaybay kung may pagmatagalang nakapipinsalang epekto).
Ngunit dahil sa matinding krisis pangkalusugang dulot ng COVID-19, maaari umanong pabilisin ang prosesong ito at makapagpalitaw ng mabisang bakuna sa loob ng 12 hanggang 18 buwan – kung walang mangyayaring malaking aberya. Ayon sa World Health Organization, kasalukuyang may 70 eksperimental na bakuna laban sa COVID-19 na tinatrabaho sa buong mundo, at may tatlo umanong nakauungos: isa mula sa China at dalawa mula sa US.
Samakatwid, maaaring asahan ang bakuna sa 2021 hanggang 2022. Makakahinga na ba tayo? Hindi pa rin. Isang usapin ang pagtuklas ng bakuna, ibang usapin pa ang maramihang produksyon at pamamahagi nito. Tandaan na kailangang mabakunahan ang `di bababa sa 60% ng 7.8 bilyong populasyon ng mundo, o mahigit kumulang sa 5 bilyong katao, upang mawaksi ang banta ng COVID-19 bilang pandemya. Hindi simpleng bagay ang pagmanupaktura, pamamahagi, at aktwal na pagturok ng 5 bilyong dosage ng bakuna sa bawat sulok ng mundo. Tinatayang aabutin ng 2 hanggang 4 na taon ang kakailanganin para sa “global rollout” ng anumang bakunang malilikha.
Kung gayon, may mga mahalagang tanong na kailangang harapin ng kasalakuyan at susunod na administrasyon at ng ating buong lipunan. Paano matitiyak ang pantay at makatarungang access ng mga bansa sa bakuna? Kailangang hindi ito monopolisado ng mga makapangyarihang bansa tulad ng US, China, o mga bansang EU. Sa kalagayang limitado ang supply ng bakuna (parang mga COVID-19 test kit ngayon), sino ang unang mabibigyan nito?
Posibleng unahin ang mga health worker, vulnerable na populasyon, at manggagawang esensyal. Paano titiyakin ang pantay na access, lalo na ng mahirap, at maiwasan ang pagmonopolisa ng mga VIP at mayaman? Dapat sagutin ng gobyerno ang presyo nito at hindi pagmulan ng dambuhalang kita para sa mga korporasyong parmasyotiko.
Ilang taon pa nating bubunuin ang COVID-19.