Iniutos ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang pagtaboy sa mga natitirang bakwit sa dalawang evacuation centers sa Tondo upang magbigay-daan sa isasagawang pagpapaayos ng naturang pasilidad.
Ayon kay Estrada, mabibigyan ng karampatang ayuda ang nasa 182 “overstaying” na pamilya sa Delpan Sports Complex at katabing evacuation center bago hayaang makaalis.
Pinakilos nito ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pangunguna ni Nanet Tanyag na pangasiwaan ang clearing ng dalawang pasilidad at tiyaking ang bawat apektadong pamilya ay makatatanggap ng sapat na tulong.
Ang mga apektadong pamilya ay binigyan ng iba’t ibang opsyon tulad ng educational at capital assistance, food-for-work program, ‘Balik Probinsya’ (return-to-the-province) program, at iba pang relief assistance kung saan 90 pamilya na ang pumayag na boluntaryong umalis.