Ginisa ng mga kongresista si Budget Secretary Benjamin Diokno na may conflict of interest diumano dahil sa koneksyon ng kanyang mga balae sa isang small time na construction firm sa Bulacan na nakakuha ng bilyon-bilyong kontrata sa mga flood control project ng gobyerno.
Sa Question Hour ng Kamara kahapon, ibinunyag ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na ang C.T. Leoncio Construction and Trading na pag-aari ng isang Consolacion Tubuhan Leoncio na nakabase sa Bulacan ay malapit sa pamilya ni Sorsogon Vice Governor Ester Hamor.
Ang naturang kompanya ay nakakuha ng mga flood control project sa iba’t ibang panig ng bansa. (Tingnan ang infographic sa kanan)
Lumalabas kasi na ang anak na babae ni Diokno na kinilalang si Charlotte Diokno-Sicat ay asawa ni Romeo ‘Jojo’ Sicat Jr., na anak ni Vice Governor Hamor sa dati nitong partner na si Gerardo P. Sicat.
Nabunyag pa sa pagtatanong ni Suarez na umaabot diumano sa P2.8 bilyong pondo ang napunta sa balwarte ni Hamor. Sinasabi rin na ang mga proyekto sa lugar ni Hamor ay napunta sa contractor na C.T. Leoncio Construction and Trading.
Nauna nang kinuwestiyon ni House Majority Leader Rolando Andaya ang naturang kompanya na maituturing aniya na isang “sari-sari store” dahil isa lamang itong single proprietorship at hindi rin nakarehistro sa Securities and Exchange Commission bilang isang korporasyon.
Maagap namang pinabulaanan ni Diokno na pinaboran nito ang kanyang mga balae sa mga proyekto ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Diokno na hindi naman niya nababantayan ang lahat ng mga proyekto na kinakargahan ng pondo ng gobyerno.
Sinabi pa ni Diokno na bawal pag-usapan sa kanilang pamilya ang mga isyu na katulad ng mga nasabing proyekto.
Samantala, inaprubahan kahapon ng Kamara ang paglalabas ng subpoena para humarap sa imbestigasyon nila ang may-ari ng C.T. Leoncio Construction and Trading.
Sa pagbubunyag ni Andaya, maraming proyekto ng gobyerno ang nakuha ng naturang kompanya sa Sorsogon, Catanduanes, Samar, Metro Manila, Camarines Sur, Pangasinan, Tarlac, Batangas, Bulacan at Davao City.
Bukod aniya sa Department of Public Works and Highways, may mga kontrata rin ang C.T. Leoncio sa Bureau of Internal Revenue, Department of Transportation, Philippine Ports Authority, Philippine Fisheries Development Authority at Department of Labor and Employment.