Nagpamalas nang kakaibang lakas at mala-bato-batong tibay ng katawan si Novena ‘Bhing’ Menci Manacnes upang kopoin ang ika-2 sunod na tagumpay sa isang 42.195-kilometer footrace sa magkasunod na linggo, banderang tapos na pinagreynahan kahapon ng umaga ang Balagbag Mountain Marathon 2018 na nilargahan at natapos sa Macabud National High School basketball court sa Brgy. Macabud ng bayang itong dating kilalang Montalban sa nasabing lalawigan.

Kakapamayagpag lang sa full-marathon din noong Nobyembre 11 na Compressport Run 2018 sa La Mesa Nature Reserve sa Novaliches, Quezon City sa tiyempong 5 oras, 10 minuto at 46 segundo, binagtas ng magku-43 sa Nobyembre 26, ina ng 2 lalaking supling, tubong Kayapa, Nueva Vizcaya pero naninirahan na sa Tuba, Benguet, ang matarik, mabato, maputik at magubat na ruta sa loob ng 6:23:50.

“Running is not simple but focus and joy of doing it makes it memorable,” bulalas ni Manacnes sa FB PM sa panayam ng Abante TONITE sa ika-2 sunod na banderang tapos na tagumpay, gaya noong isang linggo.

Sunod sa radar ng dating kawani ng Sitel Phils. Corp.-Baguio City at Hong Kong OFW ang 2 full marathon sa para­ting na mga weekend sa dating Crown Colony.

Sinakop ang 2nd-3rd sa women’s division nina Jennylee Pascua (8:00:50) at Deanne Nicole Moncada (8:23:57). Sama sa top 5 winners na napremyuhan sina Joan Lapore (8:30:50) at Anais Albances Manait.

Sa men’s side, champion si Quezon City Science High School grade 12 Mathew Louis Crisostomo, 17, sa clocking na 6:24:54. Bumuntot sina Kevin Paul Reblora, 31, ng San Juan City, at Derick Inclan, 36, ng Pasig City.