May balakubak ka ba at paulit-ulit itong lumilitaw kahit panay na ang gamit mo ng pangkontrol sa dandruff?
Kung oo ay ‘wag mahiya o magdalawang-isip na magpakonsulta sa doktor dahil ang pabalik-balik na balakubak ay maituturing na isang maagang sintomas ng HIV o Human Immunodeficiency Virus.
Sa lumabas na ulat, batay na rin sa payo ng mga doktor na dalubhasa sa balat, ang ‘di mawala-walang balakubak, panunuyo ng balat (dry skin), pagtubo ng mga pigsa o psoriasis ay maaaring senyales na rin ng pagkakaroon ng HIV kung saan unti-unting humihina ang immune system ng taong may taglay nito.
Dahan-dahang pinapatay ng HIV ang mga selyula ng immune system hanggang sa hindi na kayang ipagtanggol ng katawan ang sarili laban sa ibang impeksyon.
Bukod dito ay lumitaw din sa pag-aaral na 10.6% ng mga taong may HIV ay may seborrheic dermatitis (irritated at oily skin).
Dahil nababawasan o nawawala na ang natural na kakayahan ng katawan para labanan ang mga sakit ay dinadapuan na ito at tinutubuan ng iba’t ibang klase ng problema sa balat. Kapag ito ay nagpatuloy, maaari itong mauwi sa Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Para makasiguro at mawala ang agam-agam na may taglay na HIV ay mahalagang makapagpa-test agad. Wala namang mawawala, dagdag pa ng mga dalubhasa.