Mahirap ding maging commissioner ng isang malaking propesyonal na liga ng basketball tulad ng PBA.

Bukod sa maayos na pagtakbo ng torneo kung saan naglalaban ang mga koponan para makamit ang kampeonato ng liga, kailangan din niyang kumbinsihin ang fans ng basketbol na manood ng mga laro sa telebisyon o kaya sa mga mala­king venue gaya ng Araneta Coliseum o Mall of Asia Arena.

Kung marami ang manood sa telebisyon, mas maganda ito para sa liga kasi mas madali makakuha ng mga commercial o advertisement sa kanilang mga televised game.

Ibig sabihin nito, lalaki ang income ng liga, na ang alam naman natin, napupunta din o pinaghahati-hatian ng mga iba-ibang koponan sa liga.

Kung marami rin manonood sa mga arena, napupunta ang gate receipts sa liga at sa mga naglalarong mga koponan.
So importante makahakot ng fans na manonood ng mga laro.

Ngayon, kung wala masyadong manonood sa mga laro ng PBA, hindi ito maganda sa liga. Minsan, nakikita natin sa telebisyon na hindi masyado tinatao ang mga laro ng mahihinang koponan sa PBA lalo na ‘yung unang laro ng isang double header.

Kapag ikinumpara natin ito sa mga laro ng Ginebra, San Miguel o Magnolia, nakakaawa din na hindi masyado tinatao ang laro ng mahihinang koponan.

Dito papasok ang commissioner ng PBA. Dapat niya siguraduhin na “may balance of team strength.”
‘Yan lang ang paraan para mahatak ang fans na manood, ‘di lang mga laro ng sikat at magagaling na koponan, kundi pati ang mga laro ng mahihinang team.

Bakit minsan nakukuha ng malalakas na koponan ang mga ibang magagaling na manlalaro? Unang-una, sa annual drafting, nakikipagnegosasyon sila sa mga mahinang koponan para makuha nila ang magaling o nauuna sa draft lineup, katulad ng nangyari sa pagkuha ng San Miguel Beer kay Christian Standhardinger.

Inaprubahan ng dating PBA commissioner ang paglipat ni Christian sa San Miguel.

Kung babalansehin ang mga koponan, hindi ito dapat pinayagan, at maraming batikos ang inabot ng commissioner dahil sa pangyayari.

Kung naiwan si Standhardinger sa Columbian Dyip, siguradong lalakas ang Dyip, dahil si Standhardinger ay isang magaling na manlalaro, at ito’y nagpakita ng magandang laro sa ligang pang-international.

Kay Commissioner Willie Marcial, ako ay naniniwala na pinag-aaralan mo ang pagbalanse ng mga koponan sa PBA, para hindi langawin ang mga larongnapapanood sa telebisyon at sa mga venue.