KUNG hindi makikipag-ayos sa mga tao niya itong talent manager na nagpo-produce ng mga pelikula at concert, baka makasuhan o maiskandalo siya.
Hindi kasi siya nagbayad sa mga artista at staff ng pelikulang pino-produce niya.
Kung hindi kami nagkamali, artistang hawak niya ang bida sa pelikulang prinodyus niya at natapos na ang shooting.
Nagkaproblema sa last shooting day dahil hindi ito sinipot ni produ kaya ang ending, umuwi ang lahat na nagtrabaho na hindi nabayaran.
Per day yata ang bayaran sa kanila at inaasahan ng lahat sa last shooting day na may pabongga si produ at baka mabigyan pa sila ng karagdagang bayad bilang pa-‘last day’ sa kanila.
Pero hindi ito ang nangyari.
Hindi alam ng mga staff kung ano ang gagawin nila dahil hindi nagpakita si produ.
Ang sabi niya sa Line Producer ay darating siya dala ang perang pansuweldo.
Natapos na ang shooting, hindi naibigay ang balanse sa mga artista. Ang mga pobreng crew ay nangutang ng pamasahe para makauwi.
Galit na galit ang ibang crew ni produ dahil ang buong akala nila, ibinulsa lang ang perang pambayad.
Pinangakuan lang sila ni producer na ipadadala ang pera na hindi nangyari.
Pinag-iisipan nilang magpadala ng reklamo sa grupo ng mga talent managers dahil sa ginawa nitong producer/talent manager kung saan miyembro ito.
Baka raw matulungan sila.
Nagsumbong na ang ilang staff sa mga kaibigang reporter at nakalkal tuloy na mahilig mang-eklay si producer/talent manager sa ilang reporters na iniimbita sa events niya.
Ilang beses na kasi silang naimbitahang mag-cover sa event niya na umuuwing luhaan.
Sinubukan naming tawagan itong si producer/talent manager, hindi sumasagot.
Pero kukulitin pa rin namin para masagot niya ang isyung ito.