Baldado ang ama:Seth inako ang responsibilidad sa pamilya

NI:VINIA VIVAR

Naging napakaganda ng taong 2019 ni Seth Fedelin dahil sa napakalaking break na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment nang i-cast siya sa Kadenang Ginto bilang parte ng Gold Squad kasama ang tatlo pang young stars na sina Kyle Echarri, Andrea Brillantes and Francine Diaz.

Dito umusbong ang loveteam nila ni Andrea (SethDrea) at isa na ngayon sa sikat na loveteam ng ABS-CBN. Nagsunod-sunod na rin ang project niya. Bukod sa KG ay nakagawa rin siya ng dalawang pelikula sa iWant, ang Abandoned at ang solo movie nila ni Andrea na Wild Little Love.

Nagsimula lang bilang isa sa housemates ng Pinoy Big Brother 8 si Seth at dito siya kinakitaan ng ABS-CBN ng potensyal kaya kahit hindi siya nanalo at na-evict pa nga nang maaga ay binigyan siya ng break ng network.

Kaya naman sobrang thankful ng young actor dahil nakakatulong na siya ngayon sa kanyang pamilya at 17 and in fact, may mga naipundar na rin sa loob lang ng isang taon. Nakabili na siya ng sariling car niya at binilhan ng motor ang kanyang ama.

Noong nakaraang Pasko, ang Christmas gift niya sa pamilya ay ipinaayos niya ang kanilang bahay sa Cavite.

“Pinaayos ko ‘yung CR (comfort room), pinaayos ko ‘yung tiles, kasi simula nang itayo ‘yung bahay namin, hanggang pumasok ako ng Bahay ni Kuya, ‘yun pa rin, vinyl lang siya. So, gusto kong i-tiles,” proud na sabi ni Seth in his latet interview with the entertainment press.

Pangarap daw ng ama niya na magkaroon ng tiles ang bahay nila kaya naman napakasaya ni Seth na natupad niya ang dream ng kanyang Papa.

“Ang saya ko dahil natupad ko po, para sa Papa ko. Natulungan ko ‘yung magulang ko, natulungan ko ‘yung ama ko na minsan, nagsakripisyo na rin sa ibang bansa,” aniya.

Sa ngayon ay puro pamilya muna ang iniisip ni Seth at saka na raw ang sarili niya.

“Sa sarili ko, saka na. Kasi, sa sarili ko, madali lang ‘yan, eh. Sa pamilya ko kasi, lalo na ang magulang ko, walang trabaho, eh. Dalawa sila. Sila ang rason kung bakit ako nakaupo rito,” sey niya.

Hindi naman daw masasabing siya ang breadwinner pero ang goal daw niya talaga ngayong 2020 ay matulungan ang kanyang pamilya in his own little way.

Dating OFW (Overseas Filipino Worker) ang kanyang ama, pero pag-uwi raw ng Pinas ay na-stroke ito at ngayon ay baldado na ang isang katawan.

“So, nawala ‘yung pangarap niya para sa amin. Masakit sa akin ‘yun, kasi siya ang idol ko, eh. Bigla siyang nagsabi sa akin nu’n, umiyak siya, sabi niya, ‘anak, ‘di ko na magagawa ‘yung ganito, pasensiya na.’”

Kaya sinabi raw niya sa kanyang Papa na siya na ang magiging kaliwang katawan nito at siya ang magpapatuloy ng obligasyon nito. Bagama’t tutol ang kanyang magulang ay kusang-loob niya raw ang pag-ako sa obligasyon ng magulang.

“Sabi ko, ‘ma, nakakaintindi lang ako at naintindihan ko ang buhay natin,’” he said.

Nasaksihan daw niya sa kanyang paglaki kung paano mangutang ang kanyang ina para sa kanilang pamilya kaya nasabi raw niya sa kanyang sarili na gusto niyang baguhin ito at gusto niyang sila naman ang lalapitan someday.

HINDI PA KUNTENTO

Nang matanong kung kuntento ba siya sa nangyayari sa career niya ngayon, mabilis na inamin ni Seth na hindi pa raw.

“Hindi po. Hindi pa po ako kuntento. Kasi may gusto pa akong patunayan, may gusto pa akong gawin, at ayokong makuntento.

“Kasi, itinuro sa akin ng magulang ko, ‘huwag kang titingin sa meron ka ngayon. Tingnan mo kung anon’g magkaka-meron ka bukas, tingnan mo kung anon’g mawawala sa ‘yo bukas,’” sabi ni Seth.

Dagdag pa ng aktor ay walang permanente sa mundo, lalo na sa showbiz industry pero aware naman siya na marami raw ang may gusto sa posisyon na kinaroroonan niya ngayon.

“Maraming may gusto sa katayuan ko, eh. Maraming nangangarap na maging artista. So, dinasal ko sa Panginoon na matupad ang pangarap ko, na mangyari. Ta’s may bonus pa kasi binibigyan niya ako ng mga blessings na hindi ko hiningi, na kusang dumating sa akin.

“Kaya ayokong sayangin ‘yun,” he said.

Ano pa ba ang gusto niyang mangyari sa career niya? Ano ang gusto niyang patunayan?

“Unang-una, gusto ko pang mag-explore, siguro, lakbayin ang showbiz. Gusto kong gawin ‘yung ganito, gusto kong magka-meron ng movie, ganyan.”

Alam niyang matatapos din naman ang Kadenang Ginto kaya siyempre, gusto niya na magkaroon pa ng susunod na proyekto.

“Gusto kong mabayaran ko ‘yung bahay, kasi gusto kong pang-anniversary kina Mama ‘yun. Gusto kong mapaayos ‘yun, kahit simple lang.”

Na-develop kay Andrea

Marami ang nakakapansin na parang nagkaka-develop-an na sila ni Andrea na hindi naman talaga imposible since sila ang magka-loveteam at laging magkasama.

Sa ngayon daw ay kinikilala pa niya ang young actress but so far ay gusto niya ang mga ugaling nakikita niya rito – mabait, mapagmahal sa pamilya at may takot sa Diyos.

Sa henerasyon daw ngayon ng mga millennials, ang gusto pa rin daw niya ay dalagang Pilipina at nakikita naman daw niya ito kay Andrea.

Aminado siyang mahal niya si Andrea pero bilang katrabaho at sobrang nagpapasalamat siya sa laki ng naitulong ng young actress sa kanya, hindi lang bilang katrabaho kungdi bilang kaibigan.

“Mahal ko siya bilang katrabaho ko, kasi sobrang laki ng tulong na naibigay niya po sa akin. Sa trabaho, tapos bilang kaibigan, kasi nasasandalan ko siya. Malayo ‘yung pamilya ko sa akin, nasa Cavite. Ako, sa Commonwealth.

“Sa showbiz naman, konti pa lang po ‘yung kaibigan ko, eh. The Gold Squad lang ‘yung parang lagi kong kasama, mga kaedad ko.

“So, si Blythe (Andrea’s real name) ‘yung pinaka-close ko, siya ‘yun nasasabihan ko ng mga ganitong bagay, ganyan-ganyan.

“So, gusto kong sabihin sa kanya, ‘thank you, kasi nakilala kita.’ Natupad ‘yung wish ko, kasi dati, crush ko lang ‘yan, eh,” sey ni Seth.

Kung dati ay crush niya si Andrea, ngayon ba ay nanliligaw na siya?
“Hindi pa ho,” natatawa niyang sambit.

Tropang Pis

Bukod sa Gold Squad ay may Tropang Pis din na tinatawag sina Seth at mga kaibigan. Ang “pis” ay salitang kanto raw sa Cavite na ang ibig sabihin ay kaibigan, pare o barkada.

Nag-post si Seth sa kanyang Instagram accoount ng larawan ng barkada nila sa Tropang Pis at kasama rin dito sina Andrea, Joshua Garcia, Neil Coleta at kapatid na si Mark, Pamu Pamorada at marami pang iba.