Pormal nang sinampahan kahapon ng mga kasong administratibo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Office of the Ombudsman si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo kaugnay sa pagpatay kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Base sa reklamong isinampa ng PNP-CIDG sa Ombudsman, kinasuhan si Baldo ng “conduct prejudicial to the best interest of the service” kaugnay sa 2 counts ng murder at 6 counts ng multiple frustrated murder.

Ang 2 counts ng murder ay dahil sa pagkamatay ni Batocabe at ng police escort nitong si SPO2 Orlando Diaz. Ang 6 counts ng murder ay para naman sa anim na sibilyan na nasugatan sa ligaw na bala nang pagbabarilin sina Batocabe at Diaz matapos ang gift-giving event sa mga senior citizen sa covered court ng Brgy. Burgos sa Daraga noong Disyembre 22, 2018.

Sinampahan din si Baldo ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa paggamit ng pondo ng bayan para sa pagpapasuweldo sa mga ghost employee sa ilalim ng Office of the Municipal Mayor.
Lumalabas kasi sa pag-iimbestiga ng PNP-CIDG na pinasusuweldo ni Baldo ang mga suspek sa pagpatay kay Batocabe.