Baldo nakalaya sa P8M piyansa

Baldo nakalaya sa P8M piyansa

PINAYAGAN ng korte na pansamantalang makalaya ang itinuturong utak sa pagpaslang kay dating Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 2018.

Kahapon ay nakalabas na sa Legazpi City Jail si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo matapos lagdaan ni Regional Trial Court Branch 10 Presiding Judge Maria Theresa Loquiallano ang release paper para sa kanyang paglaya.

Ito’y makaraang maglagak ng P8.72 milyong piyansa ang kampo ni Baldo para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ng korte ang kasong isinampa laban sa kanya na double murder at six counts ng frustrated murder kaugnay ng pagpaslang kay Batocabe.

Matatandaang pinatay si Batocabe habang dumadalo sa isang event sa Daraga noong Disyembre 22, 2018. Napatay din ang kanyang security aide at may ilang sibilyan na nasugatan sa isinagawang pamamaril sa dating mambabatas.

Nauna rito ay pumalag ang pamilya Batocabe sa desisyon ng korte na payagang makapagpiyansa si Baldo dahil ito ang itinuturong utak ng pamamaslang sa dating congressman.