Isang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng alkalde ng Balete, Batangas matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang nasa panonood ng paliga ng basketball kahapon sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Napag-alaman kay Batangas acting Police Director Senior Superintendent Randy Quines Peralta na si Balete Mayor Leovino Hidalgo ay agad na isinugod sa Metro Lipa Medical Center sa Lipa City subalit idineklarang dead on arrival.

Kinumpirma ng opisyal na dumalo ang alkalde sa paliga na i­nisponsoran ng pamahalaang lokal sa Poblacion nang asintahin ito sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin bandang alas-10:30 ng umaga.

Ayon naman sa ulat ng Batangas public information office tumakas ang mga salarin lulan ng isang kulay puting van.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Balete Municipal Police Station chief Police Senior Inspector Gerry Malipol, isang tama umano ng bala ng M-16 rifle sa ulo ang tinamo ng alkalde.

Ang basyo ng nasabing armas na ginamit sa pamamaril ay narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, puspusan na ang isinasagawang operasyon ng pulisya para maaresto ang nasa likod ng krimen.

Binuhay na rin ang “Oplan Kalasag” sa nasabing bayan upang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek.

Maging ang Special Investigation Task Group (SITG) ay itatatag ng Provincial Headquarters para umasiste sa imbestigasyon sa nasabing pananambang.