Laro sa Sabado (MOA Arena)
3:30 p.m. — DLSU vs Ateneo (Finals)

Nasagad ang Ateneo Blue Eagles sa semifinals pero naging matatag sa dulo para patalsikin ang defending champion Far Eastern University, 69-68, sa overtime kahapon ng UAAP Season LXXIX men’s basketball sa Smart-Araneta Coliseum.

Napaganda pa ang pagkakasiko sa ilong ni Ateneo big man Isaac Go dahil lalo lang bumangis sa laban.

Kalmadong sinalpak ni Go ang go-ahead basket mula sa mintis ni Matt ­Nieto para ilagay sa unahan ang Eagles, 69-68, 1:20 minuto na lang sa orasan. Wala nang umiskor sa magkabilang dulo pagkatapos.

Unang field goal ng Ateneo sa OT ang putback ni Go pero sapat para makaduwelo ang mahigpit­ na karibal na De La Salle University sa best-of-three Finals sa Sabado sa Mall of Asia Arena.

Tagas ang dugo sa ilong ni Go nang aksidenteng masiko ni FEU center Prinze Orizu sa isang rebound play.

Twice-to-beat ang Ateneo sa Final Foul pero binura ng Tamaraws sa 62-61 panalo noong Sabado para makahirit ng do-or-die game.

Kinamada ni Go ang 12 points at 14 rebounds para sa second-seeded Blue Eagles na huling dumapo sa Finals noong 2012 nang kumpletuhin ang five-peat.

Kumana sina Thirdy Ravena at Mike Nieto ng tig-13 points para sa Ateneo.

Muling nangalabaw si Raymar Jose ng double-double na 12 points at 12 rebounds sa kanyang huling laro sa FEU, nag-ambag si Monbert Arong ng 15 markers.