Balik ang angas ng San Miguel Beer nang kubabawan ang Blackwater Elite 93-79 sa pangalawang laro sa MOA Arena Miyerkoles ng gabi.
Kinalsuhan ng Beermen ang dalawang sunod na talo tungo sa 3-3 even card sa PBA Philippine Cup elims. Nabaon sa 1-4 ang Elite.
Nakabalik na si Alex Cabagnot pero wala pa rin si Christian Standhardinger sa Beer. Hindi pa pinaglaro ang Fil-German para maipahinga ang tuhod at mga binti.
Sa first 12 minutes ay 7 of 23 mula sa field ang Beermen, 2 for 9 sa 3-point range. Sa kabila ay 9 of 26 shooting ang Elite sa opening period at 0 for 8 sa long range pero abante ng manipis na 21-19.
Nagising ang Beer sa second period, kumonekta ng tatlong tres si Chris Ross at naagaw ang manibela 44-41 sa halftime.
Nang dumistansiya ang SMB 91-74 ay inubos na ni coach Leo Austria ang kanyang bench.
Ipinagdiinan ni June Mar Fajardo ang pagiging reigning five-time MVP sa nilistang 20 points, 21 rebounds, 5 assists at 4 blocks para sa San Miguel. Tumapos ang naka-protective mask na si Cabagnot ng 19 points, may 17 si Terrence Romeo, at 14 kay Ross na 4 for 5 sa 3-pointers.
Pinangunahan ng 17 points ni Roi Sumang ang Blackwater, may 14 si Mike DiGregorio at 13 kay Allein Maliksi.
Sa first game, rumesponde ang bench ng Alaska sa kakulangan ng tao para itumba ang Columbian Dyip 94-72.
Injured pa sina Vic Manuel, JVee Casio, Kevin Racal at Simon Enciso pero nakabawi ang Aces mula sa 85-72 overtime loss sa Rain or Shine sa kanilang season debut noong Linggo.